MANILA, Philippines — Upang masigurong nasusunod ang paghihigpit sa mga unvaccinated sa COVID-19 sa mga pampublikong sasakyan, magpapakalat ng mga "undercover" na mananakay ang Department of Transportation (DOTr).
Isa ito sa mga inihahaing solusyon ng DOTr kung paano titiyakin ang full implementasyon ng "no vaccine, no ride" policy sa Metro Manila simula ika-17 ng Enero hanggang matapos ang Alert Level 3.
Related Stories
"Bakit ho sila dapat ma-deploy? Upang masigurado ho nating kahit wala hong nakauniporme na enforcer ay sumusunod ho ang ating mga drivers dito sa ating polisiya," ani DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, Biyernes.
"At dito ho natin makikita kung paano ho nai-implement itong ating programa on a daily basis without them really knowing na merong government enforcer sa ating public utility vehicle."
Inirereklamo kasi ngayon ng drivers at operators ng mga pampasaherong sasakyan kung paano maski-screen nang maayos ang vaccination cards ng mga pasaherong sumasakay habang tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Paglilinaw ni Pastor, hindi manggagaling sa pondo ng gobyerno ang ibabayad na pamasahe ng mga naturang "mystery riders" kundi papasanin ng ilang opisyal ng DOTr.
Bago makasakay ng pampublikong transportasyon, kinakailangang makapagpakita ng:
- physical/digital vaccination cards o IATF-prescribed document
- valid government ID na may litrato at address
Tanging ang sumusunod na hindi fully-vaccinated ang papayagan sumakay:
- may kondisyong pangkalusugang magbabawal sa taong mabakunahan, basta't may pirmadong medical certificate ng doktor
- mga taong kailangang bumili ng importanteng goods and services (pagkain, gamot, atbp., mga kailangang magtrabaho o kailangang kumuha medical/dental necessities
"Alam natin na limitado 'yung enforcers ng LTFRB, pero tuloy-tuloy 'yung pagpapatupad nito, kasama na rin 'yung I-Act, 'yung MMDA.... Katulong natin dito 'yung mga local enforcers ng mga iba't ibang mga LGUs in Metro Manila," ani LTFRB chair Martin Delgra patungkol sa polisiya.
"Meron pong mga pinag-uusapan about mystery rider, pero ang talagang panawagan natin dito ay tutuparin natin na lang natin ito sa maayos. Kasi sa kabutihan naman ito ng lahat, kahit na doon sa mga hindi sumasang-ayon. Para pa rin ito sa kanila."
Tanong sa pekeng vaccine cards 'di masagot
Pero paano kung pekein ang vaccination card? Paano ito malalaman bago pasakayin ang komyuter? Hindi nasagot ng DOTr nang diretso ang naturang tanong nang ilinaw ito ng media kanina.
"Alam naman po natin na ang ating vaccination cards ay madali nga pong pekein," ani Undersecretary for Administrative Service and Inter-Agency Task Force (IATF) Representative Artemio Tuazon.
"Kung babasahin po natin ang department order, makikita po natin... na nakaatang po sa operator at driver ang pagche-check po ng ating mga vaccination card sa mga mananakay natin."
"Pero ang obligasyon po ng mga driver at operator ay may katumbas din pong obligasyon sa ating mga mananakay... na magbigay po ng totoo na vaccination card."
Ganito rin naman ang pananaw ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Daniel Santiago, habang idinidiin na "wala naman nang dapat na intervention ang gobyerno" kung kikilos lang nang naaayon ang tao.
Parusa nasa ordinansa, revised penal code, batas
Walang kapangyarihan ang department order ng DOTr na magparusa ng commuter sa pamimigay ng pekeng vaccination card. Gayunpaman, may parusa ito sa ilalim ng mga ipinatutupad na ordinansa ng mgas local government units (LGUs).
Paglilinaw ni DOTr Undersecretary for Legal Affairs Reinier Paul Yebra, posibleng humarap sa P500-P5,000 na multa o kulong na mula limang araw hanggang anim na buwan ang mga lalabag sa kahalintulad na "no bakuna, no labas" na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan ngayon.
Hiwalay pa raw ang parusa ng mga ordinansa sa mga posibleng paglabag sa Republic act 11332, kung saan pinarurusahan ang "non-cooperation." Maaring umabot ng hanggang P50,000 na multa at/o hanggang anim na buwang kulong ang parusa rito.
Hiwalay na paglabag pa raw sa ilalim ng Revised Penal Code ang pagprepresenta ng pekeng vaccination card, na may parusang kulong (Prision Correccional) at P1 milyong multa.
Para naman sa mga drivers at operators na susuway, maaaring umabot ng hanggang P10,000 ang multa, maliban pa sa posibleng pagkakasuspindi o pagkakabasura ng prangkisa, ani Pastor.