MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo bilang pangulo ang 23 dating miyembro ng Gabinete at iba pang opisyal sa administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Sa isang unity statement, iginiit ng mga dating opisyal ng Ramos administration na si Robredo lang ang tanging kandidato bilang pangulo na kayang pamunuan ang bansa.
Anila, kailangan ng bansa ang isang lider na magpapalakas ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pamahalaan pati na sa mamamayan.
Ang susunod na lider ng bansa anya ay dapat magpapakita ng “servant leadership” at magiging halimbawa ng integridad, propesyonalismo, dedikasyon at pagiging statesman, at marami pang iba.
Dapat din taglayin ng susunod na pangulo ang sipag at totoong pagkalinga sa mga kapwa Pilipino.
“We believe that Vice President Leni Robredo is the only presidential candidate who possesses the above-described qualities, and who can credibly lead us Filipinos closer to that dream,” wika pa nila.