MANILA, Philippines — Umani ng negatibong komento sa social media ang lumutang na Isko-Sara tandem sa 2022 election.
Pakiramdam ng kanyang mga taga-suporta “pinagtaksilan” umano sila ni Manila Mayor Isko Moreno dahil tila tinalikuran umano nito ang kanyang running-mate na si Doc Willie Ong.
“Si Yorme nanonolongges na. Hindi na alam kung saan kukuha ng boto,” ayon kay @MarkusMyBoy sa Facebook.
Giit ng netizen na si @Jimmy Condicion: “Kawawa naman ‘yung VP nya. Nakakahiya naman! Mga ipinapakita niyo lalo siyang hindi mananalo. Makakuha lang ng boto, ganyan ang gagawin ni Isko.”
Ang pinalutang na Isko-Sara tandem na utak umano ng campaign strategist ni Isko ay hindi rin nagustuhan ng ilang political leader sa Mindanao kasabay ang paalaala sa milyong supporters ni vice presidential aspirant Davao Mayor Sara Duterte na maging maingat at mapanuri sa gimik ng kampo ni Moreno.
“This is really an annoyingly fantastic idea. I don’t know where they got the audacity to assume that Inday Sara, who has already committed as BBM’s running-mate, will be entertaining this wild fantasy. Well, they can dream on, this is a free country anyway. But this is out of bounds and unacceptable. No one is buying this idea,” ayon sa isang kilalang pulitiko sa Davao region at miyembro ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na kilala ring malapit sa mga Duterte.
Nitong Setyembre, binanatan ni Isko si Presidente Rodrigo Duterte dahil umano sa kapalpakan nito sa pagresponde sa pandemya.
Pero matapos pormal na umatras sa laban sa pagka-pangulo si PDP-Laban standard-bearer Sen. Bong Go, tila nagbago ng tono si Moreno at inalok ang sarili na i-endorso ng Pangulo.