Puso ng baboy pwede na sa tao!
MANILA, Philippines — Matagumpay na naisagawa ng mga manggagamot sa isang ospital sa Estados Unidos ang kauna-unahang pagta-transplant ng puso ng baboy sa isang lalaki.
Isinagawa ang operasyon ng mga dalubhasa ng University of Maryland Medical Center sa paglilipat ng puso ng isang ‘genetically modified’ na baboy sa pasyenteng si David Benett Sr., 57, nitong nakaraang Biyernes sa Baltimore, USA.
“It creates the pulse, it creates the pressure, it is his heart,” ayon kay Dr. Bartley Griffith, director ng cardiac transplant program ng ospital. ““It’s working and it looks normal. We are thrilled, but we don’t know what tomorrow will bring us. This has never been done before.”
Tumagal ang operasyon ng walong oras at ang tagumpay nito na kauna-unahan sa kasaysayan ay sinasabing nagbibigay ng pag-asa sa libo-libong mga pasyente sa Amerika na may problema sa kanilang puso.
Nabatid na nag-debelop ang mga siyentipiko sa US ng mga baboy na ang mga organ ay magiging katanggap-tanggap sa katawan ng tao dahil sa kakapusan ng ‘organ donation’. Ito ay sa pamamagitan ng ilang dekadang ‘cloning at gene editing’ ng baboy.
Umaasa ngayon ang mga mananaliksik na dito mag-uumpisa ang bagong kabanata sa medisina na sa hinaharap ay hindi na kakapusin sa suplay ng mga organs tulad ng kidney at puso para sa mga nangangailangan.
Nabatid na nagdesisyon ang pasyenteng si Bennet na sumailalim sa eksperimento dahil sa maaari siyang mamatay kung walang bagong puso.
- Latest