COVID-19 test ilibre o gawing mura – Chiz
MANILA, Philippines — Sa gitna ng biglaang pagdami ng mga impeksiyon ng COVID-19, itinutulak ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa Department of Health (DOH) na gawing malawakan at mas abot-kaya, kundi man libre na, ang coronavirus testing upang mahiyakat ang mga mamamayan na magpa-test na isang mabisang paraan upang makontrol ang pagkalat ng sakit.
Sinabi ni Escudero na umiiwas na lamang ang maraming Pinoy na ipa-test ang kanilang mga sarili dahil na rin sa mataas na presyo ng tests at mismong ang DOH pa ang nagtakda kung saan umaabot ng hanggang P960 ang presyo ng antigen tests habang P2,800 naman ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o RT-PCR tests sa mga laboratoryo ng gobyerno at P3,360 sa pribado.
“Magdadalawang taon na tayong nasa pandemya. Marahil ay ito na ang pagkakataon na ipagkaloob na natin sa mga mamamayan ang pinakabatayang na armas, subalit napakaimportanteng sandata, upang malabanan ang virus, eh, nakautang naman ang gobyerno ng trilyong piso para masugpo itong health crisis,” ayon pa kay Escudero na muling tumatakbo sa pagka-senador.
- Latest