MANILA, Philippines — Umapela si Sorsogon Gov. at senatorial candidate Chiz Escudero sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipagpaliban muna ang pagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro ngayong 2022 kasabay ng kanyang panawagan sa mga mambabatas na magpasa ng isang batas na magsususpinde sa nakatakdang pagtaas ng kontribusyon sa ilalim ng Universal Health Care Act, lalo’t maraming miyembro ang patuloy na naaapektuhan ng pandemya na magdadalawang taon na.
“Nasa gitna pa rin tayo ng pandemya at mukhang matatagalan pa bago magbalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao, kaya’t nananawagan ako sa PhilHealth na huwag munang magpatupad ng mandatory increase sa kontribusyon ng mga miyembro nito habang wala pang naipapasang batas na mag-aamyenda sa UHC law,” ani Escudero.
Ginawa ni Escudero ang kanyang mga panawagan sa harap ng mga reklamo ng maraming PhilHealth members na tinatanggihan ng mga payment center ang kanilang bayad dahil wala pa raw abiso ang ahensiya tungkol sa bagong rate.
Ngayong 2022, nakatakdang maging P400 ang kontribusyon ng mga may sahod na P10,000 pababa kada buwan habang P400-P3,200 naman ang may mga suweldo na P10,000.01-P79,999.99 kada buwan. P3,200 naman sa P80,000.