MANILA, Philippines — Ipagbabawal ng Lungsod ng Maynila ang pagbebenta ng anumang inuming alak simula Sabado bilang paggunita ng Pista ng Itim na Nazareno — kahit na kanselado ang pisikal na pagdiriwang ng Traslacion ngayong 2022.
Ito ang sabi ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, Miyerkules, sa isang Facebook livestream habang dumarami rin ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod.
"I just signed an executive order prohibiting the sale of liquor and other alcoholic beverages and directed a strict implementation of Ordinance no. 5555 sa panahon ng Kapistahan ng Nazareno," wika ni Domagoso kanina.
"Ito po ay magsisimula by January 8, [pagsapit ng 6 p.m.] at magtatapos ng January 10 [bandang] 6 a.m."
Ang Traslacion ay pagsasadula ng paglilipat ng imahe ng Nazareno noong 1787 patungo sa Minor Basilica mula sa orihinal nitong kinalulugaran sa Intramuros, Maynila.
Milyun-milyong deboto ang dumadalo sa naturang pagtitipon taun-taon mahawakan lang ang nasabing "milagrosong" imahe, bagay ng halos isang araw.
Nobyembre 2021 pa lang ay inanunsyo na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang suspensyon ng Traslacion 2022 dahil sa COVID-19, habang hinihikayat ang mga deboto ng Nazareno na mag-online misa na lang sa ika-9 ng Enero.
"So sa mga kababayan natin sa Quiapo [na] nasasakop ng Kapistahan ng Quiapo, ng... Poong Nazareno, wala pong inuman," dagdag pa ni Domagoso, na kumakandidato rin sa pagkapangulo sa 2022.
"Hangga't maaari walang magbebenta ng alak. Save your money. Hangga't maari kailangan nating ipatupad ito bilang pag-iingat at paghahanda sa posibleng pagsasu-salo, pagsasama-sama, pag-iinum-inuman ng mga tao."
Nagpasalamat naman ang alkalde sa kapatian ng Quiapo at kay Msgr. Hernando Coronel, Rector Parish Priest ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa kanilang pagtugon sa pangangailangan ng panahon ng COVID-19 pandemic. — James Relativo