MANILA, Philippines — Humataw na sa 5,434 ang bagong tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa pinakasariwang datos ng Department of Health (DOH).
Dahil dito, papalo na sa 2.86 milyon ang nahahawaan ng naturang nakamamatay na virus:
Related Stories
- total cases (2,861,119)
- bagong kaso (5,434)
- total deaths (51,604)
- kamamatay lang (18)
- aktibong kaso (29,809)
"Samantala ay mayroon namang naitalang 611 na gumaling at 18 na pumanaw," ayon pa sa DOH sa isang pahayag, Martes..
"Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 1.0% (29,809) ang aktibong kaso, 97.2% (2,779,706) na ang gumaling, at 1.80% (51,604) ang namatay."
Huling mas mataas ang single-day new COVID-19 infections noong ika-23 ng Oktubre, noong umabot sa 5,807 ang nahaawan.
Sa kabila ng mataas na bilang ng new COVID-19 cases, nasa 16 laboratoryo pa ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Ang naturang mataas na bilang — na malayo sa 421 noong nakaraang linggo — ang nangyayari ngayong napasok na ng mas nakahahawang Omicron variant ng sakit ang Pilipinas.
Kanina lang nang sabihin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa CNN Philippines na posibleng sa katapusan ng Enero maitala ang "peak" ng mga panibagong pagsirit.
"We have initial projections which state that at the end of January, cases will peak," wika ng DOH official, habang sinasabi nas maaaring malampasan nito ang nakaraang wave ng infections na sinanhi ng lubhang nakahahawa ring Delta variant.
Noong Agosto, sinasabing umabot sa 26,000 ang wave ng infections dahil sa Delta. Sa pagtataya ng Kagawaran ng Kalusugan, aabot sa "walong beses" na mas nakahahawa ang Omicron kaysa Delta. — James Relativo