Makati hindi idedeklarang persona non grata 'Poblacion girl' quarantine violator
MANILA, Philippines — Walang plano ang lokal na pamahalaan ng Makati na ideklarang "unacceptable" o "unwelcome person" (persona non grata) ang isang returning overseas Filipino na lumaktaw sa mandatory facility quarantine para pumarty — kahit nagpositibo pala siya sa COVID-19 kalaunan.
Ito ang sabi ni Makati City Mayor Abby Binay patungkol kay Gwyneth Anne Chua, na nagmula sa Estado Unidos, na nakapanghawa pa ng COVID-19 matapos hindi mag-hotel quarantine at dumiretso sa Poblacion para gumimik.
"The level of persona non grata should be reserved for someone who really deserves it," wika ni Binay sa panayam ng ANC, Martes.
"She’s young, she’s callous, but she will have to suffer the consequences."
Una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na magsasampa sila ng kaso sa siyam na tao kasama si Chua, kanyang mga magulang at mga employeyado ng Berjaya Makati Hotel na kasabwat diumano sa kanyang pag-eskapo sa quarantine.
Sinasabing paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act (Republic Act 1332) ang kanilang nagawa.
"We’re already preparing our complaint. We have several options. We can suspend [the hotel used for quarantine's] permit, the DOT will come up with their recommendation as well," patuloy ni Binay.
"It’s an ongoing investigation with Berjaya."
Aabot sa apat sa 12 indibidwal na nahawa matapos ang Poblacion superspreader event ang empleyado ng bar.
Ilan lang ang sektor ng nightlife at mga bar sa mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa Makati, na siyang napagbigyan lang uling magbukas noong magluwag ang Metro Manila at buong bansa patungong alert level 2.
Kasalukuyang nasa mas mahigpit na alert level 3 ngayon ang Metro Manila dahil sa biglang pagsipa ng COVID-19 cases sa Pilipinas kasabay ng pagkalat ng Omicron variant.
Susunod naman sa alert level 3 ang Rizal, Cavite at Bulacan simula bukas, ika-5 ng Enero. — James Relativo
- Latest