Quarantine violators, swak sa kasong sibil at kriminal - Palasyo
MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang Malacañang sa mga biyahero na bumabalik ng bansa na maaari silang makulong kung mapapatunayang lumabag sa COVID-19 quarantine protocols.
Ayon kay Cabinet Secretary at acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, puwedeng sampahan ng kasong sibil at kriminal ang mga biyahero na dumarating sa bansa at maging ang mga hotel kung saan sila pansamantalang nagku-quarantine.
“Sa Notifiable Diseases law it’s not just a penalty, may imprisonment din ito,” ani Nograles sa panayam ng Headstart ng ABS-CBN.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act, ang mga lumalabag ay maaaring pagmultahin ng mula P20,000-P50,000 o makulong ng mula 1-6 na buwan o parehong ipataw ang multa at kulong depende sa korte.
Maging ang mga hotel ay hahabulin ng gobyerno dahil may pinirmahan silang kontrata.
Sinabi rin ni Nograles na ang korte na ang magpapasya kung anong kaso ang isasampa sa kontrobersiyal na si “Poblacion Girl” na lumabas sa hotel kahit naka-quarantine at nakipag-party sa isang bar sa Poblacion, Makati.
Natuklasan na positibo sa COVID-19 ang nasabing babae na galing ng Amerika.
- Latest