MANILA, Philippines — Nagkaisa ang mga alkalde ng Metro Manila na 'wag munang palabasin ng bahay — "in principle" — ang lahat ng hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19, habang nasa ilalim ng Alert Level 3 ang rehiyon, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Matatandaang isinailalim sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR) mula ika-3 hanggang ika-15 ng Enero dahil sa biglaang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 kasabay ng banta ng mas nakahahawang Omicron variant.
Related Stories
"Ito'y in principle napag-agreehan nila [Metro Manila mayors], 'yung mga walang bakuna [laban sa COVID-19]... they shall remain in their residences at all times except for the procurement of essential goods and services," ani MMDA chair Benhur Abalos, Lunes, sa isang briefing.
"[The latter includes], but [are] not limited to food, water, medicine, medical devices, public utilities and energy, work and medical and dental necessities."
Sa kabila nito, papayagan pa rin naman daw ang individual outdoor activities at exercise sa labas ng "general area of residence" o sa loob ng sumusunod na lugar alinsunod sa guidelines ng Metro Manila local government units:
- baranggay
- purok
- subdibisyon
- village
Kaugnay pa rin kasi ito ng katotohanang karamihan ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas ay panay mga hindi pa nakakukuha ng kumpletong primary series ng bakuna, dahilan para hindi sila magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa nakamamatay na sakit.
"Para ano rin ito, para kang nag-[Enhanced Community Quarantine] only for the unvaccinated, for their own protection," dagdag pa ni Abalos.
"Dapat nasa bahay lang sila. Pwede silang lumabas kung bibili lang sila ng goods and services."
Papayagan pa rin naman daw ang interzonal at intrazonal movement sa ilalim ng Alert Level 3 ayon sa panununtunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ngunit pwedeng magpatupad ng "reasonable restrictions" ang mga local government units basta't hindi ito mas strikto sa mas mataas na Alert Level systems.
Paano mga menor de edad, bulnerable?
Para sa mga wala pang 18-anyos o mga bulnerable ang kalusugan, ay papayagan din namang makakuha ng essential goods and services o para makapagtrabaho sa mga pinapayagang industriya o opisina basta't alinsunod ito sa mga existing rules and regulations.
"Individual outdoor exercises shall also be allowed for all ages regardless of comorbidities or vaccination status," paglilinaw ni Abalos.
"So covered pa rin tayo nitong IATF [policies]. Ang ginawa lamang nito... mas hinigpitan lang nating mga mayors ang mga unvaccinated. It is also for their own protection habang nasa Alert Level 3."
"For all you know, after two or three weeks tapos na tayo so balewala na po ito. It is only during Alert Level 3, dahil pinapakita naman ng siyensya na karamihan naman ng tinatamaan ng severe at fatality ang mga unvaccinated."
Sa kabila nito, wala pa rin naman daw nakikitang rason ang mga LGU na ire-impose ang mga curfews habang nasa Alert Level 3 ang NCR.
Bukod pa rito, suspendido raw muna ang mga face-to-face classes mula ngayong araw hanggang ika-15 ng Enero.
Sa huling ulat ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, aabot na sa 2.85 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 51,570 na ang namamatay sa sakit.