CCTV sa babaeng tumakas sa quarantine, sinusuri na – PNP

Released photo shows the Berjaya Makati Hotel.
Berjaya Makati Hotel / Released

MANILA, Philippines — Sinusuri na ng Philippine National Police (PNP) ang video footages sa mga lugar na pinuntahan ng isang Pinay na positibo sa COVID-19 na tumakas sa quarantine protocol at nag-party sa Makati City.

Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba makakaasa ang publiko na masusi nilang iimbestigahan ang kaso ni Gwyneth Anne Chua.

Si Chua ay dapat nasa mandatory quarantine matapos dumating galing sa Estados Unidos noong Disyembre 22 pero tumakas sa Berjaya Hotel na tinutuluyan nito sa Makati City at nagpunta sa isang bar kasama ang mga kaibigan sa Poblacion ng lungsod.

Pinangangambahan namang nasa 15 katao ang na-infect ni Chua, base na rin sa naunang pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Sinabi ni Alba na kinukumpleto na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga ebidensya para maisama sa pagsasampa ng reklamo sa paglabag sa Republic Act (RA) 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

“We will make sure on the part of the PNP mananagot ang mga ito sa batas ngayon na we are threatened ng omicron variant at tumataas na naman ’yung kaso ng COVID-19,” ayon pa kay Alba.

Show comments