MANILA, Philippines — Positibo ang ilang 2022 presidential aspirants sa pasok ng susunod na taon, bagay na puno ng mga hamon at pasakit dulot ng COVID-19 pandemic at nagdaang Typhoon Odette.
Ito'y kahit lumampas uli ng 1,000 ang bagong COVID-19 cases noong Huwebes matapos ang halos isang buwan, maliban pa sa 405 deaths sa nagdaang bagyo.
Related Stories
"Ngayong Bagong Taon, piliin nating magpatuloy sa landas na ito: Makibitbit sa dalahin ng ating kapwa, at magbukas ng loob sa katotohanang magkakarugtong ang karanasan at kinabukasan ng bawat Pilipino," wika ni Bise Presidente Leni Robredo, Biyernes.
"Mas maliwanag at mas maginhawa ang inaasahan nating 2022 dahil mismo sa kaisipang ito—na may lakas tayong maaasahan mula sa isa't isa, at laging sapat ang lakas na ito para maalpasan ang anumang hamon."
Aniya, panahon ang Bagong Taon ng bagong pag-asa, bagong pagkakataon at lakas para harapin ang bukas.
Panahon din daw ito ng pagbabalik-tanaw sa 2021 at mga aral na inianak nito. Bagama't mahirap, nakaraos pa rin naman daw ang mga Pinoy dahil sa pagtutulungan at pakikiisa.
"Muli, isang mapagpala at puno ng pag-asang 2022 sa inyong lahat," kanyang pagtatapos.
'Bagong kabanata sa kasaysayan'
Hindi naman nagpahuli ang karibal ni Robredo, na anak ng yumaong diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at nagpaabot din ng pagbati sa mga Pilipino.
Ayon kay dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., umaasa siya sa mas magandang buhay para sa lahat sa darating na taon: na maging malaya ang lahat sa pasaning ekonomiko, na maging malaya ang lahat abutin ang mga pangarap at makaalpas ang bansa sa epekto ng COVID-19.
"[A]nd most of all, [I hope that we will be] free to choose out leaders who will usher us to the next chapter of our country's history," banggit niya sa kanyang New Year message.
"The Near Year will usher us into a new beggining. A new dream, a new hope. But in the end, all of these can only come true if we stand as one."
Una nang sinabi ng kampo nina Marcos na dapat maging malaya ang mga Pilipino na piliin ang magiging lider nila sa 2022, lalo na't kumakaharap si Bongbong sa patung-patong na disqualification, cancellation petition, atbp. sa Commission on Elections dahil sa 1995 conviction sa hindi paghahain ng income tax returns. — James Relativo