'3-child policy?': Duterte gusto limitahan anak ng mga Pinoy vs overpopulation

President Rodrigo Roa Duterte tends to the victims of Typhoon Odette during his visit in Puerto Princesa City, Palawan on December 23, 2021.
Presidential Photos/Rey Baniquet

MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng "paglaban sa kahirapan," iminumungkahi ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan ang bilang ng supling na pwedeng iluwal kada pamilya — hanggang tatlo.

Ito ang bukambibig ni Digong, Huwebes, habang binibisita ang mga biktima ng Typhoon Odette sa Puerto Princesa, Palawan.

"In our poverty, we are really too populated. I’m not joking here, okay?" sabi ng presidente sa Bisaya kahapon.

"I just want to say simply that you should limit your children to just one or two, three is the boundary."

Aniya, pumunta raw dati si Duterte sa kabundukan at nakakita ng umiiyak na bata dahil sa pinagkakagat ng langgam. Nang kanyang tanungin kung nasaan ang magulang ng bata, sinabi raw ng kapatid nito na "nasa sabungan" at "tsismisan" ang kanilang nanay at tatay.

Napag-alaman daw niyang nasa anim o pito raw ang anak ng kanilang magulang, dahilan para takutin niya ang tatay ng nabanggit.

"So I had the father called and I told him, 'Putangina, if you don’t stop having children, I’ll cut off your penis,'" paliwanag pa niya, habang idinidiing may family planning centers naman.

"I get frustrated over this, when I step down from the presidency, I’ll look at the Philippines and tell you not to have too many children. I feel sorry for them. I feel sorry looking at children growing up with a hard life and they find it difficult to pay for their education or to buy food. Just have enough."

Sa kabila ng lahat ng ito, walang batas mula sa Konggreso o kahit anong executive order mula kay Duterte na nag-uutos para isakatuparan ang naturang "three child policy."

Isa sa mga kilalang nagpapatupad ng government policies para limitahan ang populasyon ang Tsina, na nagpatupad ng one-child policy simula 1980.

Tsina ang may pinakamalaking populasyon sa buong mundo ngayon sa bilang na 1.4 bilyon, ayon sa United States Census Bureau ngayong taon. Hulyo 2021 na nang tanggalin sa nasabing bansa ang lahat ng limitasayon at parusa sa bilang ng mga anak.

Taliwas ang sinasabi ni Duterte sa paniwala ng ilang sektor gaya ng mga progresibo't aktibista, na itinuturo ang kawalan ng lupa ng magsasaka, mababang pasahod at kontratwalisasyon ng mga manggagawa, kawalan ng pambansang industriya, atbp. bilang tunay na sanhi ng pagdarahop sa Pilipinas.

Show comments