MANILA, Philippines — Lalo pang sumirit ang bilang ng mga pumanaw dulot ng Typhoon Odette isang araw bago ang araw ng Pasko, ayon sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Umabot na kasi sa 326 ang namamatay sa naturang bagyo, maliban pa sa 661 sugatan/nagkasakit, sabi ng NDRRMC ngayong Biyernes. Karamihan sa mga nasawi ay galing sa probinsya ng Bohol sa bilang na 96.
Narito ang bilang ng mga apektado dulot ng sama ng panahon:
- patay (326)
- sugatan (661)
- nawawala (58)
- apektadong tao (3.38 milyon)
- nailikas na nasa evacuation centers (352,384)
- nailikas na nasa labas ng evacuation centers (277,050)
- pre-emptively evacuated (744,192)
Ilan sa mga malubhang tinamaan ng bagyo ang MIMROPA, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, CARAGA at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Tinatayang papalo naman sa P2.03 bilyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng bagyo sa sektor ng agrikultura, habang P3.99 bilyon naman sa imprastruktura.
Aabot na sa 348,642 ang napipinsalang bahay kay Odette — na pinakalakas na bagyong pumasok sa Philippine area of responsibility ngayong 2021 — 228,156 sa mga ito ay bahagyang pagkakapinsala habang ang 120,486 ay wasak na wasak. Ang nabanggit ay aabot sa halagang P4.5 milyong damages.
Nakataas naman ang state of calamity sa nasa 343 lungsod at munisipalidad sa buong Pilipinas. Dala ito ng Proclamation 1267 na nagsasailalim sa Regions s IV-B, VI, VII, VIII, X at XIII sa nabanggit noong ika-21 ng Disyembre.
Sa kabila ng lahat ng ito, P68.12 milyon halaga naman ng ayudang ibinibigay ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo, bagay na kumakatawan naman sa mga face masks, bigas, sleeping kits, pagkain atbp. — James Relativo