MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas ang emergency use ng anti-viral drug na molnupiravir na ibinibigay sa mga pasyente na nagkakaroon ng COVID-19.
Ayon kay FDA Director General Undersecretary Eric Domingo, ang nasabing gamot ay maaaring ibigay sa mga pasyente na may mild hanggang moderate na COVID-19 na edad 18 pataas.
“Isa rin po na alam din natin na nag-apply ng Emergency Use Authorization sa FDA ay iyong gamot na Molnupiravir. At sa ngayon po mayroon tayong isang binigyan na ng EUA, ito po ‘yung Molnupiravir na ang kaniyang brand name ay MOLNARZ,” ani Domingo.
Pero hindi na aniya puwedeng ibigay ang nasabing gamot sa mga pasyente na malubha na ang kaso at nangangailangan na ng oxygen.
“So ang pangalan po niya ay Molnupiravir and it comes in 200 milligram capsules ‘no. Ito po ay pinapayagan nating ibigay sa mga pasyente with mild to moderate COVID disease so hindi po ito puwede sa mga severe o iyong mga nangangailangan na ng oxygen,” dagdag ni Domingo.
Maaari rin aniyang ibigay ang nasabing gamot sa mga adults na maaaring lumubha ang kondisyon dahil sa ibang sakit o comorbidities.
Dalawang beses isang araw ibinibigay ang Molnupiravir na 800 milligrams sa loob ng limang araw o buhat nang makita ang sintomas ng sakit.
Dahil mayroon na aniyang Emergency Use Authorization ang gamot na Molnupiravir ay ititigil na ang pagbigay ng Compassionate Special Permit dito.