Pfizer COVID-19 vaccine aprubado na ng FDA iturok sa mga 5-11 taong gulang
MANILA, Philippines — Pahihintulutan na ng gobyerno ang pagtuturok ng Pfizer COVID-19 vaccines para sa mga edad lima hanggang 11 — dahilan para mauna ang brand sa isa sa pinakabatang populasyon sa Pilipinas na pwedeng bigyan ng bakuna panlabin sa naturang sakit.
Ginawaran na kasi ng emergency use authorization ang naturang brand para maibigay sa mas maraming menor de edad laban sa COVID-19, ayon kay Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo, Huwebes.
"Upon the review of the technical documents and evaluation of the US FDA recommendations, our [experts] have found that the data submitted is sufficient for ther EUA approval," ani Domingo sa Laging Handa briefing ng state media.
"Nakita naman po talaga natin natin na it is reasonable to believe that the vaccine may be effective to prevent COVID-19, and the benefits of vaccination outweight the known and potential risks.
Dagdag pa ng FDA official, mataas din ang efficacy rate ng naturang bakuna sa mga batang edad lima hanggang 11 na nasa 90%.
"Very mild" lang din daw kung ituring ang mga adverse event o side effects na nakita sa mga clinical trials na ikinasa rito. Gaya lang din daw ito sa mga nararansan ng ilang bata na una nang naturukan laban sa COVID-19.
"Siguro po may sinisinat, konting pananakit sa area ng injection. Pero wala pong nakitang any unusual or important safety signals para po hindi natin ibigay ang EUA. So this is being granted today," saad pa ng FDA official.
"Ito pong bakuna na ito ay ginagamit na po sa mga bata sa maraming bansa katulad po sa U.S., sa Europa at tsaka sa Canada."
Paglilinaw ni Domingo, hindi ito pareho ng dosage na ibinibigay para sa mga nakatatanda na. Aniya, higit itong mas mababa pati na rin sa concentration ng gamot.
Bagama't dati nang nagbibigay ng COVID-19 vaccines para sa mga batang 12-17 taong gulang, hindi rin daw pareho ang pormulasyon ng gamot dito.
Una na raw nilang sinabihan sina National Task Force (NTF) chief implementer and vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. at Department of Health noong nakaraang linggo na ibang order ng Pfizer vaccines ang kailangang gawin para rito dahil sa iba ang components ng bakuna para sa mga bata.
Nobyembre lang nang sabihin ng FDA posibleng maibigay sa nabanggit na age group ang COVID-19 vaccines bago pumasok ang taong 2022. Bukod sa Pfizer, tinitignan na rin daw ang brand na Sinovac para maibigay sa kaparehong edad.
Aabot na sa 2.83 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa pinakahuling ulat ng Kagawan ng Kalusugan nitong Miyerkules. Patay na sa ngayon ang 50,916 diyan.
- Latest