MANILA, Philippines — Dahil ang Pilipinas ay daanan ng bagyo, iminumungkahi ni Senatorial aspirant Guillermo Eleazar na dapat magkaroon ng permanenteng evacuation centers ang bawat komunidad sa buong bansa na agad na masisilungan ng mga naapektuhan.
Ang mungkahi ni Eleazar ay bunsod ng kakulangan ng mga evacuation centers kung saan ginagamit na rin ang mga covered courts, barangay hall at paaralan.
“Mas mainam kung ang bawat city o municipality ay may nakahandang evacuation facility upang hindi na rin natin gagamitin ang ibang mga pasilidad tulad ng paaralan o mga court,” ani Eleazar.
Aniya, dapat na planuhin ng pamahalaan ang pagpapatayo ng permanent evacuation centers para sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad kabilang na ang bagyo at lindol.
Sinabi ni Eleazar na kailangan na maging handa ang lahat sa iba’t ibang uri ng kalamidad kaya ilalaban niya sa Senado ang pagpapatayo ng evacuation centers na matibay at maayos na pasilidad upang maging maginhawa ang pamamalagi ng mga naapektuhan hangga’t hindi pa maaaring bumalik sa kanilang tahanan.
Dagdag pa nito, ang Department of Public Works and Highways ang dapat na maglaan ng budget sa pagpapatayo ng mga permanent evacuation centers.