Pagkain, tubig, damit at tent
MANILA, Philippines — Umaapela ng tubig, pagkain, damit at masisilungan ang mga biktima ng Bagyong Odette.
Sa Dinagat Island, sinabi ni Tubajon Mayor Fely Pedrablanca na nauubusan na sila ng supply ng pagkain at tubig sa mga susunod na araw.
Nakaharap ang Dinagat Island sa Pacific Ocean, na lubhang nasalanta ni Odette. Sinasabing siyam mula sa mahigit 2,000 kabahayan ang natira mula sa hagupit ni Odette.
Sa Siargao pa lamang ay 90% ng isla ang nasalanta.
Sa Southern Leyte, sinabi ni Roger Mercado, acting chief ng public information office ng Department of Public Works and Highways, winasak din ang mga evacuation centers kaya humihingi sila ng tent na masisilungan at construction materials.
Nangangailangan din sila ng pagkain at tubig.
Posibleng umabot sa P3 bilyon ang kailangan sa rehabilitasyon at supply na mga pagkain.
Dagdag naman ni Danilo Atienza, Southern Leyte Disaster chief, bagamat may inilalaang supply ng pagkain at tubig at iba pang pangangailangan ang pamahalaan, hindi pa rin ito sasapat sa bilang ng mga naapektuhan ng bagyo.
Sa pinakahuling datos ng PNP, nasa 375 ang patay habang, 56 ang nawawala at nasa 500 naman ang sugatan.
- Latest