Duterte lilikom pa ng P10 bilyon para sa nasalanta ng bagyo
MANILA, Philippines — Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na lilikom ng karagdagang P10 bilyon para sa rehabilitasyon at pagbangon muli ng mga probinsiya na naapektuhan ng bagyong Odette.
Sinabi ito ng Pangulo matapos bisitahin ang mga biktima ng bagyo sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Nauna rito, nangako si Duterte ng P2 bilyon sa pagbisita niya sa Leyte at karagdagang P2 bilyon nang magtungo sa Cebu at Bohol.
Inatasan din ng Pangulo ang mga ahensiya ng gobyerno na agad tugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo sa Negros Occidental at Negros Oriental.
Partikular na iniutos ni Duterte sa Department of Social Welfare and Development na ipagpatuloy ang pagbibigay ng family food packs, tubig at shelter assistance sa mga pamilya na nasira ang mga tahanan.
Inatasan naman nito ang Department of Trade and Industry na bantayan ang presyo ng mga bilihin kabilang ang mga generators na napaulat na dalawang beses na nagmahal ang presyo.
- Latest