MANILA, Philippines — Nananawagan ngayon ng agarang tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Bohol matapos mawalan ng kuryente at matinong suplay ng tubig simula nang ragasain ng matinding epekto ng bagyong "Odette."
Aabot na sa 74 ang patay sa probinsya ng Bohol na binubuo ng 48 local government units (LGUs). Kasalukuyang nasa ilalim ngayon ng state of calamity ang lugar.
Related Stories
"[W]e need [power generators] for the water refilling stations kasi the entire island has been blacked out for for the past three days," ani Bohol Gov. Arthur Yap, Lunes sa panayam ng CNN Philippines.
"No one can give me a straight answer when we could get power back. Ang importante ngayon, at least we have basic [generator] sets that we can lend the LGUs so they can now have their water refilling [stations] operating."
Aniya, hindi na raw kasi efficient at sustainable ang pamamahagi ng naka-boteng tubig sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng typhoon.
"Right now, we need as much water as we can through water pump distribution, aside from the bottled water distribution," dagdag pa ni Yap.
Humihingi na rin ang Bohol ng tulong mula sa iba pang mga LGUs, Maynila at Manila Water para magpadala ng tubig sa kanilang erya sa pamamagitan ng mga sasakyang panlupa gaya ng mga trak.
Nananawagan na rin sila ngayon ng tulong sa Meralco kaugnay ng problema sa kuryente. Bukod pa rito, kailangan na rin daw nila ng generator sets para sa cold storage facility ng kanilang COVID-19 vaccines.
Sa taya ng Philippine National Police, aabot na sa 208 ang kinitil na buhay ng bagyong "Odette" mula sa sari-saring lugar sa bansa.
Sumatutal, papalo naman sa 1.8 milyong residente ang naapektuhan ng sama ng panahon habang nasa 438,000 naman ang nananatili ngayon sa mga evacuation centers. — James Relativo at may mga ulat mula kina Gaea Cabico at Kristine Joy Patag