MANILA, Philippines — Nananawagan si Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa mga awtoridad na gumawa ng plano para sa pagbabakuna sa mga homeless o walang tirahan at batang lansangan na gumagala sa mga lungsod at ibang parte ng bansa upang masiguro na ligtas at protektado rin sila laban sa COVID-19.
Binigyang-diin ni Escudero na lalong nagiging kapansin-pansin ang presensiya ng mga nasabing marginalisadong grupo tuwing Kapaskuhan, partikular sa Metro Manila, na nanghihingi ng tulong sa mga motorista at pasahero at dahil dito’y maaari silang maimpeksiyon ng coronavirus.
Kahit may herd immunity na ang National Capital Region dahil bakunado na siyento porsiyento ang target population nito, sinabi ni Escudero na hindi pa rin dapat pabayaan at maiwanan sa programa sa bakuna ang mga Pilipinong naninirahan at namumuhay sa mga lansangan.
“Gusto kong malaman kung ang ating mga kababayan na nabubuhay sa kalsada, kasama na ang mga batang kalye, ay nababakunahan o nabakunahan na? Hindi sila dapat kalimutan dahil mahalaga rin ang kanilang kalusugan,” ani Escudero na kumakandidato sa pagka-senador sa May 2022 national elections.