‘Pag si BBM o Leni ang nanalo
MANILA, Philippines — Naniniwala ang isa sa dalawang Pilipino na babalik ang traditional politics (trapo) sa Pilipinas kapag si BBM (Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.) o Vice President Leni Robredo ang nanalo sa gaganaping presidential elections sa Mayo 2022.
Ito ang lumabas sa survey sa “The Voice of the Online Filipinos” na iprinisinta sa virtual press conference kahapon ni Martin Peñaflor, founder at CEO ng digital research group na “Tangere”.
“More than half of the respondents at 52 percent, believe that the existence of Marcos-Leni and/or Liberal Party can be considered as a comeback to traditional politics. This belief is driven by NCR residents and those who voted for Roxas in 2016,” ani Peñaflor.
Sinabi ni Peñaflor na sa 1,200 respondents mula sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao, nasa dalawa hanggang lima dito ang nagsabi na hindi sila aasenso sa buhay kapag si BBM o Leni ang nanalo sa eleksyon.
Lumalabas din mula sa non-commissioned survey ng Tangere na dumarami ang sentimyento ng mga Pilipino na nawawalan na ng pag-asa sa buhay at iniisip na lang na umalis at magtrabaho sa ibang bansa.
Nasa 51 percent ang nagsabi rin na sina Leni at BBM ay nakatuon sa kanilang away kung kaya naghahanap na lang sila ng alternatibong mga lider na maibibigay ang interes ng publiko tulad nina Isko Moreno at Manny Pacquiao.
Naitanong din kung naniniwala sila na si BBM ay “strong leader” tulad ng kanyang ama, at lumabas sa survey na 30 percent ang nagsabi ng “No”.