'Hindi nuisance': Comelec payag sa 2022 Senate bid ni viral personality Francis Leo Marcos

This photo taken May 19, 2020 shows Francis Leo Marcos at the National Bureau of Investigation office.
Released/National Bureau of Investigation Public Information Office, File

MANILA, Philippines — Isang viral media personality na inaresto noong nakaraang taon ang papayagan ng Commission on Elections (Comelec) na kumandidato sa 2022.

Ibinasura kasi ng Comelec ang petisyong nagpapadeklara sa kontrobersyal na social media personality na si Francis Leo Marcos bilang "nuisance candidate." Dahil dito, pwedeng kumandidato sa pagkasenador sa susunod na taon ang nabanggit.

"Verily, the Commission (Second Division) is convinced that Respondent has the capability to sustain a national campaign in light of his popularity and his network of supporters," ayon sa lumabas na resolusyon sa motu proprio petition para ideklara si Marcos na nuisance na pinetsahang ika-14 ng Disyembre.

"Considering the foregoing, the Commission (Second Division) holds that there is no basis to declare Respondent [Marcos] as a nuisance candidate. Accordingly, his [certificate of candidacy] must be given due course."

Ayon sa Section 69 ng Omnibus Election Code, itinuturing na nuisance candidate ang mga kandidatong:

  • nais gawing katatawanan (mockery) ang election process, pati na rin ang mga nais sirain ang magandang reputasyon nito (disrepute)
  • layong manlito ng mga botante dahil sa pagkakaroon ng malaking pagkakahalintulad sa pangalan ng iba pang rehistradong kandidato
  • nagpapakita na wala silang seryosong intensyon na tumakbo para sa posisyong hinainan ng COC

Paniwala nina presiding commissioner Socorro Inting at commissioner Antonio Kho Jr., "klaro" raw na sikat si Marcos sa social media, bagay na kontra raw sa giit ng petitioner na "virtually unknown" ang personalidad na kilala sa pamimigay ng bigas sa gitna ng Facebook live stream.

Dagdag pa nito, na-establish naman din daw ng respondent na may sapat siyang suporta para mailimbag sa balota ang kanyang pangalan.

Ika-8 lang ng Oktubre nang maghain si Marcos ng kanyang COC para kumandidato sa pagkasenador sa May 2022 national and local elections.

Matatandaang Mayo 2020 lang nang arestuhin ng cybercrime division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang personalidad, na nagpapakilalang negosyante, dahil sa paglabag diumano sa Republic Act 8050.

Una na kasing sinabi ng NBI na namumudmod ng eyeglasses (salamin) si Marcos kahit walang pagpayag at permiso ng Philippine Association of Optometry. Matatandaang bineberipika rin noon ang kasong qualified human trafficking laban sa kanya, maliban pa sa reklamong violence against women.

Bukod pa ito sa mga diumano'y estafa cases na inihain laban sa kanya.

Ibang nais kumandidato na may suporta, deins patatakbuhin

Nangyayari ang pagpanig ng Second Division ng Comelec kay Marcos matapos masali ang grupong NURSES UNITED party-list sa 107 grupong pinagkaitan ng rehistro ng polling body.

Ang naturang grupo, na hindi na raw hihingi ng Status Quo Ante Order mula sa Korte Suprema, ay naglalayon sanang irepresenta ang mga propesyunal na nurses.

"If they are sincere in their mandate to allow legitimate Party-list representing the marginalized sectors like nurses, they should have approved our petition for registration noong simula pa lang," ani NURSES UNITED 1st nominee Maristela Abenojar sa isang pahayag.

Una nang sinuportahan ng aktibistang grupo ng healthcare workers na Alliance of Health Workers ang kandidatura ng Nurses United para "bigyan ng boses ang mga nurses at health workers sa Kongreso."

"I feel for Nurses United, but their petition was dismissed because of several defects. The same for Ang Ladlad," ani Comelec commissioner Rowena Guanzon nitong Miyerkules.

— James Relativo

Show comments