MANILA, Philippines — Binalaan ng pamunuan ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro na huwag makikipag-ugnayan sa mga online fixers kung nais makakuha ng Unified Multi-Purpose Identification (UMID) Card.
Ayon kay SSS President at CEO Aurora C. Ignacio, ang SSS lamang ang awtorisadong tumanggap ng aplikasyon ng UMID cards at magbigay nito sa mga miyembro kaya’t walang dahilan para makipagtransaksiyon sa online fixers sa pagkuha ng naturang card.
Sinabi ni Ignacio na ang biometrics data capturing na mahalagang proseso sa UMID Cards ay magagawa lamang sa mga SSS branches.
“We are reminding our members to refrain from transacting with fixers to avoid any inconvenience,” sabi pa ni Ignacio.
Pinayuhan din nito ang mga SSS members na mag-book muna ng appointment sa branch na nais puntahan gamit ang Appointment System sa My.SSS Member Portal upang maiwasan ang panganib ng pagkakahawa sa Covid-19.
Maaaring makakuha ng UMID Cards mula sa SSS ang mga miyembrong kahit may isang buwan pa lamang na kontribusyon.
Libre rin ang UMID Cards para sa first-time applicants, at may bayad namang P200 sa mga magpapalit o magre-renew nito.