Malacañang ibinida 'ambag' ni Duterte sa karapatang pantao ngayong Human Rights Day
MANILA, Philippines — Kung ang Office of the President ang tatanungin ngayong Human Rights Day, maraming nagawa ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para itaguyod ang karapatang pantao sa Pilipinas.
Sinabi ito ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles habang binabasa ang pahayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea, Biyernes, kahit matagal nang nababatikos ang human rights record ni Digong.
"[D]uring the past six years, the president consistently introduced and implemented programs and projects to reduce inequalities and advance human rights," ani Nograles kanina.
Ilan daw dito ang:
- pagpapatupad ng libreng tertiary education sa mga pampublikong paaaralan
- "universal access to health care"
- malakihang infrastructure development (Build, Build, Build program)
- ayuda ngayong COVID-19 pandemic (social amelioration)
- pagkontrol sa tama ng COVID-19 sa public health at ekonomiya
'War on drugs'
Setyembre 2021 lang nang aprubahan ng International Criminal Court (ICC) ang "full probe" sa madugong war on drugs at human rights situation sa ilalim ni Duterte, na siyang pumapatay na sa libu-libo "kahit walang due process," ayon sa ilang grupo.
Sa kabila nito, sinuspindi ni ICC chief prosecutor Karim Khan ang naturang imbestigasyon habang sinisiyasat ang sakop at epekto ng "deferral request."
Una nang sinabi ng Palasyo na iiitsapwera lang ng Pilipinas ang naturang imbestigasyon at hindi makikipagtulungan sa ICC oras na gumulong ito.
"Further, the administration had given its utmost effort to curb the proliferation of illegal drugs and criminality, to put an end to the decades-long struggle against local and international terrorists, and to eliminate deeply-entrenced corruption in many government offices," dagdag pa ni Nograles.
"The success of these endeavors had benefitted our people who deserve protection and justice as much as the rest of us."
'56 manggagawa patay sa ilalim ni Duterte'
Sa kabila ng pagmamalaki ng gobyerno, patuloy na nananawagan ang ilang grupong mapanagot si Digong sa mga "paglabag" sa karapatan ng mga Pilipino, habang ipinapanawagan ang tuluyan pagbabasura ng Anti-Terrorism Act of 2020 at kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
"Dapat managot si Duterte sa kanyang mga kasalanan sa taumbayan!" ani Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno (KMU) kanina.
"Libo-libong maralita ang namatay dahil sa Oplan Tokhang, libo-libo ang biktima ng Martial Law sa Mindanao, libo-libo ang biktima dahil sa militarisasyon at pambobomba sa kanayunan, libo-libo ang namatay at nawalan ng kabuhayan dahil sa kapalpakan at kapabayaan sa pagtugon sa pandemya."
Marami rin aniya sa mga ipinangako ni Duterte noong 2016 sa mga manggagawa ang hindi natupad gaya ng pagbasura ng kontraktwalisasyon, bagay na nakatapak daw sa karapatang ekonomiko ng publiko.
Sa halip, red-tagging, union-busting, forced disaffiliation sa mga progresibong unyon at pag-aresto raw ang hinarap ng kanilang sektor.
Aabot na sa 56 manggagawa ang napatay sa ilalim ni Duterte ayon sa KMU, maliban pa sa 32 inaresto at sari-saring diumano'y panggigipit.
"Dapat panagutin si Duterte sa pagpaslang sa aming kapwa manggagawa na sina Dandy Miguel, Manny Asuncion, Carlito Badion, at 53 iba pa na pinaslang sa ilalim ng kanyang pasistang panunungkulan. Halos lahat sila ay biktima ng red-tagging bago walang habas na pinaslang," ani Adonis. — James Relativo
- Latest