MANILA, Philippines — Nagsagawa si presidential aspirant at Vice President Leni Robredo ng online town hall meeting kasama ang iba’t ibang artista sa pelikula at telebisyon.
Kasama rin sa town hall meeting ang ilang talent managers at iba pang nagtatrabaho sa industriya na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Sa nasabing pulong, inalam ni Robredo ang mga isyu at mga hamon na kanilang kinakaharap at inilahad ang kanyang mga plano at programa para makabangon ang industriya mula sa epekto ng COVID-19.
Ilang larawan ng pulong ang ibinahagi ng aktor na si Jake Ejercito, na una nang nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Robredo sa darating na halalan sa 2022.
Dumalo rin sa town hall meeting ang mga beteranang artista na sina Pinky Amador at Agot Isidro, na mga masugid ding tagasuporta ng kandidatura at mga programa ni Robredo.
Kamakailan lang, nakipagpulong ang dalawang aktres sa halos 100 nanay at inalam ang kanilang mga hinaing habang nagsasalu-salo sa mainit na “lugaw” sa Bagong Silang, Caloocan City.