Employment rate umaakyat na – DOLE

Base sa October 2021 Labor Force Survey, tumaas ng 235,000 ang bilang ng mga Pilipino na nagkaroon ng trabaho. Mula 43.592 mil­yon nitong Setyembre, umakyat ito sa 43.826 milyon sa Oktubre.
STAR/File

MANILA, Philippines — Nag-umpisa nang tumaas ang ‘employment rate’ ng Pilipinas habang nakakarekober ang bansa sa COVID-19 nitong buwan ng Oktubre, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Base sa October 2021 Labor Force Survey, tumaas ng 235,000 ang bilang ng mga Pilipino na nagkaroon ng trabaho. Mula 43.592 mil­yon nitong Setyembre, umakyat ito sa 43.826 milyon sa Oktubre.

Sa employment rate, umakyat ito ng 1.5% mula 91.1% noong Setyembre patungo sa 92.6% nitong Oktubre. Bumaba naman ang unemployment rate ng 7.4% mula sa dating 8.9% sa kaparehong mga buwan.

Umaasa ngayon ang DOLE na magtutuluy-tuloy na ang pagbangon ng ‘labor market’ ng Pilipinas habang nagbubukas ang mga negosyo, pabrika at mga industriya dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.

Samantala, umakyat naman sa 862,000 ang underemployment level ng bansa na nangangahulugan na marami pa ring dapat gawin para mapabuti ang labor market.

Ayon sa DOLE, sa ilalim ng kanilang Employment Recovery Agenda ng NERS Task Force, aabot na sa 2.08 indibiduwal ang naalalayan nila, may 129,000 establisimiyento ang natulungan na nagresulta ng pagkakaroon ng 780,119 bagong trabaho.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 3.5 milyon ang bilang ng mga Pinoy na jobless noong Oktubre.

Anim na rehiyon ang nakapagtala ng mataas na unemployment rates ito ay ang Calabarzon (10.3%), Mimaropa (10.0%), National Capital Region (9.2%), Region V (9.0%), Region I (8.4%) at Region VIII (7.6%).

Show comments