MANILA, Philippines — Nasa 23 highly urbanized cities sa bansa ang nakapagkamit na ng herd immunity laban sa COVID-19.
Sa Talk to the People ni Pang. Rodrigo Duterte na iniere nitong Martes, ipinaliwanag ni DILG Secretary Eduardo Año na ang herd immunity areas ay yaong mga lugar na nabakunahan na ang 70% ng kanilang target population.
“Out of our highly urbanized cities, umaabot po ng 23 siyudad ang umabot na po ng 70 percent and up na fully vaccinated,” aniya.
“So, ibig sabihin po almost sa target population ay nakamit na ang herd immunity sa target population,” dagdag pa niya.
Tinukoy niya ang mga naturang lungsod na may herd immunity na ang San Juan City, Mandaluyong City, Pateros, Marikina City, Taguig City, Pasay City, Las Piñas City, Parañaque City, Manila City, Muntinlupa City, Makati City, Valenzuela City, Quezon City, Navotas City, Pasig City, Malabon City, Caloocan City, Baguio City, Angeles City, Iloilo City, Lapu-lapu City, Mandaue City at Davao City.
Sa datos ng Department of Health (DOH), hanggang nitong Disyembre 6, 2021, umaabot na sa mahigit 38 milyong katao ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19.
Sinabi naman ni Año na tinatarget ng pamahalaan na madagdagan pa ang second dose injection sa ikalawang national vaccination program na nakatakdang isagawa sa bansa mula Disyembre 15 hanggang 17 upang mas marami pang indibiduwal ang maging fully-vaccinated na laban sa virus.
Mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3 ay nagdaos na rin ang pamahalaan ng nationwide vaccination drive sa bansa upang mas marami pang Pinoy ang maturukan ng bakuna.