MANILA, Philippines — Gusto isama ni presidential aspirant Francisco "Isko Moreno" Domagoso si Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng mga susuportahan niya sa pagkasenador sa 2022 sa ilalim ng kanyang ticket — sa kabila ng tensyon sa pagitan ng dalawa nitong mga nagdaang buwan.
Ngayong taon lang nang paringgan ni Digong ang isang Metro Manila mayor na "palahubad," na gusto niya raw tanggalan ng karapangyarihang mamahagi ng lockdown ayuda, dahil sa "magulong" pagbabakuna laban sa COVID-19. Si Domagoso lang ang Metro Manila mayor na nagpapa-sexy noon dahil sa dati niyang karera sa showbiz.
Related Stories
"I will personally vote for Duterte as senator. Given his track record and accomplishments as president, he is very capable for that position," ani Domagoso sa isang social media post, Lunes.
"Ayaw ko siyang pangunahan but I would be humbled and honored to have him in our slate."
Ani Domagoso, bilib siya sa Build Build Build infrastructure program ng administration, maliban pa sa kanyang programa ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Sinabi niya ito sa kanyang tour sa Lapu-Lapu City ngayong araw kahit na binanatan noon ng partido niyang Aksyon Demokratiko si Digong dahil sa "pamumulitika" sa kanya noon sa pamamahagi ng ayuda.
Setyembre lang nang sabihin ng actor-turned-presidential bet na makakaharap niya si Digong oras na maghainan na ng certificate of candidacy. Gayunpaman, tatakbo ang pangulo sa ibang posisyon — ang pagkasenador.
Matatandaang Agosto lang nang magparinig si Isko kay Digong na "efficient" ang kanilang ayuda matapos ang pinaghihinalaang mga patama noon sa kanya ng presidente.
"Kung papayag si President Duterte maging guest candidate, I will be humbled and honored for him to be part of our slate," dagdag pa ni Domagoso.
"For the meantime, ayaw ko pangunahan si pangulo."
Dati nang paulit-ulit na sinasabi ng naturang presidential bet na "hindi" siya "closet Duterte" candidate at sadyang kaya lang makipagtulungan sa kahit na sinuman mapaadministrasyon man o oposisyon.
Kinastigo noon ng nabanggit ang administrasyon habang nananawagan ditong unahin ang pagbili ng experimental COVID-19 drugs na Tocilizumab at Remdesivir kaysa pag-procure ng face shields. — James Relativo