Sintensya ni Marcos sa tax case 'wala sa records na nasunod' — QC court
MANILA, Philippines — Hindi pa nasa-"satisfy" ni dating Sen. Bongbong Marcos ang parusang ibinaba sa kanya ng korte pagdating sa dati niyang tax case, ayon sa mga dokumentong nakuha ng ilang petitioners laban sa 2022 presidential bid ng anak ng diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kaugnay pa rin ito ng conviction ni Bongbong sa hindi paghahain ng income tax returns noong dekada '90, bagay na ginagamit na batayan ngayon ng ilang petitioners para makansela ang certificate of candidacy (COC) ng 2022 presidential aspirant.
"This is to certify that there is no record on file of: Compliance of payment of satisfaction of the Decision of the Regional Trial Court dated July 27, 1995 or the Court of Appeals dated October 31, 1997," ayon sa dokumento ng Quezon City Regional Trial Court Branch 105 na isinapubliko, Biyernes.
Ang naturang dokumento ay nilagdaan ni officer-in-charge Rowena Sto. Tomas-Bacud noong ika-2 ng Disyembre, 2021.
Certificate says the court has no record of Marcos “compliance of payment or satisfaction” of the RTC ruling dated July 27, 1995 or CA ruling dated Oct. 31, 1997. @PhilstarNews pic.twitter.com/2xUvShqiLs
— Kristine Patag (@kristinepatag) December 3, 2021
Ang nasabing sertipikasyon ay nakuha nina Atty. Theodore Te, isa sa mga abogado ng mga naturang petitioners, sa QC RTC.
Una nang sinabi ng naturang petitioners na pinangungunahan nina Fr. Christian Buenafe at ilang human rights advocates na "perpetual disqualification" mula sa paghawak ng anumang pwesto sa gobyerno paglabag sa Sections 45 at 50 ng National Internal Revenue Code.
"Based on this information, petitioners will bring this matter to the urgent attention of the [Commission on Elections] in SPA 21-156 (DC) and also the Office of the City Prosecutor of Quezon City which is the government agency mandated to enforce the judgement of the RTC," patuloy ng mga petitioners sa isang pahayag.
Certificate says the court has no record of Marcos “compliance of payment or satisfaction” of the RTC ruling dated July 27, 1995 or CA ruling dated Oct. 31, 1997. @PhilstarNews pic.twitter.com/2xUvShqiLs
— Kristine Patag (@kristinepatag) December 3, 2021
Una nang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang tanging ground para sa pagkakansela o pagkakait ng COC ay ang "material misrepresentation," bagay na nakasaad sa Section 78 ng Omnibus Election Code.
Iginigiit ngayon nina Buenafe na false representation ang ginawa ni BBM nang sabihin niya sa kanyang COC na siya'y eligible tumakbo sa pagkapangulo gayong "disqualified" siya dapat mula rito.
Kaso vs Marcos lumalakas?
Sabi tuloy ngayon ni Te, "sinesemento" raw nito ang kanilang mga argumento na na-convict talaga si Marcos at "patuloy na hindi napagdudusahan ang kanyang sintensya."
"His continuing evasion of the sentence, coupled with his repeated misrepresentation of his eligibility all those times he ran for public office, is evidence of his intent to deceive the electorate and not to abide by the laws he aspires to execute," ani Te sa mga reporter.
Dahil dito, ineligible daw dapat tumakbo si Marcos sa darating na halalan dahil sa conviction sa ilalim ng NIRC, sabi ng abogado.
Nangyayari ang lahat ng ito kahit na iginigiit ng mga opisyal ng Partido Federal ng Pilipinas, na partido ni Marcos, na nabayaran na ng huli ang kanyang multa kasama ang interes at surcharge na aabot aniya sa P67,137,27 noong ika-27 ng Disyembre, 2001.
Maliban dito, humaharap pa si Marcos sa lima pang petisyon para mapigilan siya sa pagtakbo sa 2022, kabilang na ang dalawa pang pagpapakansela ng COC, dalawang disqualification cases at pagpapadeklara sa kanya bilang nuisance candidate. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest