MANILA, Philippines — Magiging prayoridad ng tambalan nina Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto ang pagtatanggal sa kultura ng kotong sakaling palarin na manalo sa pagka-Pangulo at pangalawang Pangulo sa halalan sa Mayo 2022.
Ito ang isa sa mga nagawa na ni Lacson nang kanyang pinamunuan ang Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001, kung saan nilinis niya ang kapulisan at binuwag ang kotong culture.
“Ito pwede kong ipangako - ang kotong sa kalsada mawawala,” ani Lacson sa kanyang sectoral forum kasama ang mga bus operators.
Aniya, sa kanyang panunungkulan bilang PNP Chief, kahit kailan ay ‘di niya pinalampas ang korapsyon at pangingikil ng mga abusadong pulis.
Bago niya pamunuan ang PNP, talamak na ang kotong sa kalsada kung saan nakasanayan na ng mga drayber at manininda na magtabi ng P1,000 bilang lagay sa mga kotong cops.
Kwento ni Lacson, nang ipinatupad niya ang “no-take policy,” umabot ito sa punto na hindi na tumatanggap ang mga pulis ng suhol mula sa mga nahuhuli nilang lumalabag ng batas trapiko.
“Umabot sa punto na ayaw tumanggap ang pulis,” aniya.
Para kay Lacson, na tumatayong presidential standard-bearer ng Partido Reporma, ang pagbuwag sa kotong ay kanyang naging misyon bilang pag-alala sa kanyang amang jeepney driver na madalas noon na nabibiktima ng kotong cops. Ito ang nag-impluwensya sa kanya na alisin ang kultura ng kotong sa hanay ng kapulisan.
Ang pagtanggal ni Lacson sa kotong culture at pagpapatupad ng iba pang reporma sa PNP ay umani ng mataas na approval ratings mula sa publiko at nagpabalik ng tiwala sa kapulisan.