MANILA, Philippines — Tutol si vice presidential candidate at Senador Kiko Pangilinan sa dagdag na bayarin sa passport renewal na ipinataw sa overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang mga Pilipino sa Middle East, Europe, Asia, at Estados Unidos.
“Mariin kong tinututulan ang pagtaas ng presyo ng passport renewal fees sa Middle East, Europe, Asia, at US. Ang desisyon ng mga embahada at konsulado natin sa mga nasabing bansa na gumamit nang mga outsourcing companies para mag-proseso ng passport renewal ay dagdag gastos sa mga nahihirapang Filipinos,” wika ni Pangilinan.
“Hirap na hirap na ang maraming OFWs at mga Filipinos sa gitna ng pandemya,” dagdag pa niya.
Maaaring kunin ng OFWs at iba pang mga Pilipino na magpapa-renew ng passport sa Middle East, Europe, Asia at US ang serbisyo ng pribadong outsourcing companies.
Sa pamamagitan ng outsourcing companies na ito, ang bayarin sa passport renewal ay naglalaro mula P4,900 hanggang P5,300.
Samantala, sinabi ng Department of Foreign Affairs na optional at boluntaryo lang ang mga nasabing outsourcing companies.