MANILA, Philippines — Muling magbubukas ang Pilipinas para sa mga banyagang turista na hindi na kailangan ang visa pero dapat ay kumpleto ang bakuna laban sa COVID-19 at mula sa mga green list countries.
Ayon kay acting presidential spokesperson Karlo Nograles, papayagan ang mga banyaga na pumasok sa Pilipinas simula Disyembre 1-15 pero dapat sumunod sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Sa inilabas na Resolution No. 150-A ng IATF, sinabi ni Nograles na dapat valid ang pasaporte ng turista sa loob ng anim na buwan buhat nang dumating sa Pilipinas at mayroong ticket palabas ng bansa.
Kailangan din na ang banyagang turista ay ekslusibong nanatili sa loob ng 14 na araw sa alinman sa mga green countries bago ang biyahe sa Pilipinas.
Ayon sa IATF, hindi na sasailalim sa facility-based quarantine ang mga banyagang turista na mula sa green countries at kumpleto na ang bakuna pagdating sa Pilipinas.
Kailangang ipakita ng mga parating na foreigners ang katibayan ng kanilang bakuna katulad ng International certificates of vaccination and prophylaxis mula sa World Health Organization, VaxCertPH, o National o state digital certificate ng banyagang bansa na tinatanggap din ang VaxCertPH sa ilalim ng reciprocal arrangement.
Ayon pa kay Nograles, kailangan din na may negatibong RT-PCR test ang mga banyagang turista sa loob ng 72 oras bago sila umalis sa pinanggalingang bansa.
Ang mga may bakuna pero wala namang dalang resulta ng RT-PCR test ay ituturing na hindi kumpleto ang bakuna at ipatutupad ang protocols katulad nang pagsasailalim sa facility-based quarantine at kailangang hintayin ang negatibong resulta ng RT-PCR test na gagawin sa ika-limang araw.
Sa kasalukuyan ay 44 na bansa, teritoryo ang kabilang sa green list ng Pilipinas o mga lugar na mababa ang banta ng COVID-19.