Magpapaturok vs COVID-19 sa 'national vax days' bawal markahang absent sa trabaho
MANILA, Philippines — Kikilalaning pumasok pa rin sa trabaho ang mga empleyado't manggagawang pipiliing magpabakuna laban sa COVID-19 sa ilang araw na na itinakda ng gobyerno sa susunod na linggo.
Idineklara na kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang "Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days" ang ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre, sa bisa ng Proclamation 1253 ngayong Miyerkules.
"Employees and workers of the government and the private sector, who will be vaccinated during the aforesaid period, shall not be considered absent from their work," ayon sa dokumentong pirmado nina Digong at Executive Secretary Salvador Medialdea.
"[P]rovided that they present proof of vaccination to their respective employers, subject to rules that may be issued by the [Department of Labor and Employment] and the Civil Service Commission," ayon din sa direktiba ng Palasyo.
Layunin ng gobyernong mabakunahan ang hindi bababa sa 70% ng buong populasyon ng Pilipinas, kasama na ang mga edad 12 hanggang 17. Sa ngayon, aabot pa sa 53 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang hindi pa naituturok.
Aniya, kakailangang makalikha ng "Bayanihan spirit" sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapanday ng pagkakakisa't kooperasyon sa pagitan ng sari-saring stakeholders para mapabilis at mapatindi ang naturang kampanya laban sa nakamamatay na virus.
Healthcare workers tinatawagan
Lahat ng health workers ay inaanyayahang magbigay ng tulong para maisakatuparan ang three-day campaign, kabilang na ang mga:
- doktor
- nars
- kumadrona
- pharmacist
- dentista
- medical technologists
Aabot na sa 33.19 milyon ang nakakukuha ng kumpletong COVID-19 primary series vaccines sa Pilipinas sa ngayon, ayon sa Department of Health (DOH).
Maliban pa riyan, papalo na sa 70,500 ang nabibigyan ng booster doses. — James Relativo
- Latest