MANILA, Philippines — Maaaring makulong ng ilang taon at pagbawalang humawak ng posisyon sa gobyerno ang mga kandidato sa eleksyon kung mapatutunayang namumudmod ng papremyo gamit ang mga "raffle."
'Yan ang inilinaw ni Commission on Elections spokesperson James Jimenez sa panayam ng "One Balita Pilipinas" sa One PH ngayong araw.
Related Stories
"Electoral offense po 'yan [online raffle] so ang penalty will be or might include imprisonment for up to six years as well as disqualification from holding office," wika ni Jimenez, Martes.
Sa isang panayam sa #OneBalitaPilipinas, sinabi ni Commission on Elections Spokesperson James Jimenez na ipinagbabawal ang pagpapa-raffle online ng mga kandidato at maaaring makulong ang mga lalabag sa panuntunang ito. #BilangPilipino2022 pic.twitter.com/14vmfbr8pd
— News5 (@News5PH) November 23, 2021
Sa kabila nito, inilinaw ni Jimenez na hindi pa ipinagbabawal ang naturang gawi hangga't hindi pa nagsisimula ang campaign period para sa 2022 elections.
"Yes, election rules still don’t apply to would-be candidates, but must aspirants really really be giving money away thru daily (g)cash raffles?" sabi ni Jimenez sa hiwalay na tweet ngayong buwan.
"Huwag tumanggap at hwag iboto ang mga namimigay ng pera kapalit ng boto, Kahit pa tawaging ayuda yan."
This is getting so tedious. Yes, election rules still don’t apply to would-be candidates, but must aspirants really really be giving money away thru daily (g)cash raffles?
— James Jimenez (@jabjimenez) November 6, 2021
Huwag tumanggap at hwag iboto ang mga namimigay ng pera kapalit ng boto, Kahit pa tawaging ayuda yan.
Ilang netizens na ang nagpupuntong parang "vote buying" na rin ito, bagay na ipinagbabawal sa batas.
Ayon sa Resolution 10730 ng Comelec, magsisimula ang campaign period para sa May 9, 2022 elections sa mga susunod na petsa:
- presidential, vice presidential, senatorial at party-list race (ika-8 ng Pebrero, 2022)
- kandidato sa House of representatives, regional, provincial, city at municipal officials (ika-25 ng Marso, 2022)
Pare-pareho namang magtatapos ang naturang campaign period sa ika-7 ng Mayo, dalawang araw bago ang aktwal na halalan.
Una nang sinabi ng poll body na target mailabas sa Disyembre ang pinal na listahan ng mga kakandidato sa 2022.
Nagpapa-raffle ngayon pa lang
Bagama't hindi pa ipinagbabawal sa ngayon ang mga raffle at pagpapaulan ng limpak-limpak na papremyo, isinasagawa na ito at pinangungunahan ng ilang naghain ng certificates of candidacy para sa 2022 elections.
Ilan na rito sina presidential aspirants Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Sen. Christopher "Bong" Go.
Tuloy-tuloy ang papremyo para sa mga masususgid at masusuwerteng taga-share ng ating vlogs! pic.twitter.com/b4RpJkOBBI
— Bongbong Marcos (@bongbongmarcos) November 18, 2021
#BilangPilipino2022 | Presidential aspirant Bong Go leads the raffle of 20 bicycles and shoes in reopening a Malasakit Center in Malabon. TV host Willie Revillame gave away P100,000 to 15 patients at the San Lorenzo Ruiz General Hospital. (via News5/@maeannelosbanos) pic.twitter.com/6gfY7wlHoJ
— ONE News PH (@onenewsph) November 16, 2021
Sa ilang social media posts, bistong-bisto naman ang "pasabog na mga pa-[premyong] handog ni Congressman Along Malapitan" (verbatim), na kilalang tatakbo sa Lungsod ng Caloocan.
— may mga ulat mula sa ONE News at News5