MANILA, Philippines — Walong buwan matapos magsimula ang bakunahan ng Pilipinas laban sa COVID-19 noong Marso, lumalabas na overwhelming majority ng mga namamatay sa naturang virus ay hindi pa nakakukuha ng kumpletong primary series ng vaccine.
Batay ito sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes lagpas isang buwan bago magtapos ang taong 2021.
Related Stories
Sa pagitan ng ika-1 ng Marso hanggang ika-14 ng Nobyembre, lumalabas ang mga sumusunod na datos ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire:
- COVID-19 cases sa health facilities (216,074)
- unvaccinated COVID-19 cases (86%)
- unvaccinated cases (93.49%)
"Of these total [patients since March], 86% are not fully vaccinated. Meanwhile, about 94% are not fully vaccinated among those who died of COVID-19," wika ni Vergeire sa isang media forum kanina.
"Analysis on these hospital data show that deaths and serious outcomes are more likely to happen among the unvaccinated patients."
Sa 93.49% hindi kumpleto ang bakuna sa mahigit 30,000 COVID-19 deaths noong time period na ito, lumalabas ang sumusunod na datos:
- unvaccinated (89%)
- partially vaccinated (4%)
Simula ika-1 ng Marso, aabot na sa 33.57 milyon ang nakakukuha ng kumpletong COVID-19 vaccination (primary series) sa Pilipinas. Bahagi lang ito ng kabuuang 75.6 milyong doses na na-administer na sa bansa.
Bakit mahalaga magpabakuna?
Batay sa mga datos na isinumite at inalisa ng team ng DOH, tumataas nang tumataas ang posibilidad ng mas malalang COVID-19 cases o kamatayan kung hindi ka magpapabakuna.
Severe, critical cases tumataas: Ayon kay Vegeire, "1.75 times more likely" mangyari ang severe at critical cases sa mga hindi bakunado kumpara sa mga fully vaccinated.
Deaths napapataas: "Also death was 2.6 times more likely to occur among unvaccinated than those fully vaccinated individuals," paliwanag pa ng DOH official.
Late reporting ng patay sa COVID-19
Humingi naman ng pag-intindi ang DOH sa mga lumalabas na datos kamakailan lalo na't meron daw mga "delays" sa mga datos ng COVID-19 deaths na dumarating sa kanila, bagay na vina-validate ng kanilang epidemiology surveillance units. "We already have flagged them with these delays," sambit ni Vergeire.
"'Pag tinignan po natin 'yun pong ating mga deaths na naitatala, 80% of these were deaths coming from October, September and August because of these late submissions coming from our local units."
Nangyayari ito lalo na't laging naglalaro ang COVID-19 deaths sa lagpas 100 hanggang mahigit-kumulang 300 nitong mga nakaraang araw, kahit na maliliit ang bagong arawang kaso ng COVID-19.
Sa huling ulat ng DOH nitong Linggo, umabot na sa 2.82 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na mula rito ang 47,074 katao.