Sara Duterte nagbitiw sa 'Hugpong' 4 araw bago election substitution deadline
MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang deadline ng election substitution sa ika-15 ng Nobyembre, naghain na ng kanyang resignation si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio mula sa kanilang regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Kinumpirma ng HNP ang balita sa pamamagitan ng kanilang secretary general na si Anthony del Rosario sa isang pahayag, Huwebes.
"At 9:30am today, 11 November 2021, Mayor Sara Z. Duterte tendered her resignation from Hugpong ng Pagbabago (HNP)," sambit ni Del Rosario kanina.
"In her letter to the officers and members of HNP, she states that, 'It is with profound sadness that I hereby tender my resignation from our beloved party. My support will always be with you and I will always be grateful for all the things you have taught me.'"
Davao City Mayor Sara Duterte resigns from Hugpong ng Pagbabago. "It is with profound sadness that I hereby tender my resignation from our beloved party. My support will always be with you and I will always be grateful for all the things you have taught me." @News5PH @onenewsph pic.twitter.com/F7EnDwKJqg
— Marianne Enriquez (@mariannenriquez) November 11, 2021
Ika-9 lang ng Nobyembre nang umatras si Duterte-Carpio mula sa kanyang orihinal na re-election bid sa Davao City, bagay na lalong nagpaypay sa tsismis na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2022 sa pamamagitan ng substitution.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ni Albay Rep. Joey Salceda, miyembro ng PDP-Laban at kapartido ni Pangulong Rodrigo Duterte (ama ni Inday Sara), na plano talaga ng nakababatang Duterte na tumakbo sa pagkapresidente — bagay na posible raw mangyari kung bigla siyang sumali sa partidong Lakas-CMD.
Oktubre 2021 lang nang sabihin ni Lakas-CMD secretary general at Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr. na meron "candidate placeholder" ang kanilang partido na pwedeng palitan ni Sara oras na mapagdesisyunan ng huling tumakbo sa pagkapangulo.
"While we are saddened by her resignation, we however wish her all the best in her future plans. Godspeed po Mayor Sara. In our hearts, you will always be our Chairperson. We love you po," wika pa ni Del Rosario tungkol sa kanilang chairperson at founder na si Sara.
Wala pa namang kumpirmasyon pagdating sa planong pagtakbo ng presidential daughter sa pagkapangulo, ngunit lagi't laging mataas ang kanyang pangalan sa mga presidential surveys gaya ng inilabas noon ng Pulse Asia.
Dati na ring sinabi ni PDP-Laban presidential aspirant Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na handa siyang umatras sa kanyang kandidatura kung mapagdesisyunan ni Duterte-Carpio na kumandidato.
Matatandaang naging substitute candidate si Digong bago manalo sa pagkapangulo noong 2016 national elections. — may mga ulat mula kay Franco Luna at News5
- Latest