MANILA, Philippines — Para maging "mas patas sa lahat" ang halalang 2022, isang presidential aspirant ang nananawagan ngayon sa Commission on Elections (Comelec) na tuluyan nang ipagbawal ang commercialized political advertisements sa media — lalo na 'yung mga ginagawa bago ang opisyal na campaign period.
Ito ang panawagan ni Partido Lakas ng Masa presidential candidate Ka Leody de Guzman, Huwebes, matapos papurihan ang Google sa desisyong harangin ang political ads sa kanilang platform bago ang 2022 national elections sa Pilipinas.
Related Stories
"Nananawagan tayo sa Comelec na ipagbawal ang lahat ng komersyalisadong pulitikal na advertisement," wika ni De Guzman kahapon sa isang pahayag.
"Sinasamantala ng mapeperang mga kandidato ng mga bilyonaryo ang kawalan ng batas laban sa premature campaigning. Nalulunod na sa mga political ad ang TV, social media, at radyo. Mas marami pa sa mga komersyal ng sabon at shampoo."
Kung ligalidad ang pag-uusapan, wala pang maituturing na election offense ang Comelec lalo na't hindi pa nagsisimula ang opisyal na campaign period. Isa ito sa mga dahilan kung bakit wala pang makasuhan pagdating sa "vote-buying" at "pagpapa-raffle" sa ngayon.
Ayon sa Resolution 10730 ng Comelec, magsisimula ang campaign period para sa May 9, 2022 elections sa mga susunod na petsa:
- presidential, vice presidential, senatorial at party-list race (ika-8 ng Pebrero, 2022)
- kandidato sa House of representatives, regional, provincial, city at municipal officials (ika-25 ng Marso, 2022)
'Gawing patas political arena vs mga elitista'
Kapansin-pansing ilang naghain ng certificates of candidacy (COC) na para sa 2022 race ang nagpapatakbo ng political at election-related na mga patalastas ngayon sa telebisyon, social media atbp., bagay na nangangailangan kadalasan ng milyun-milyon para umere.
Dahil dito, ginigiit ni De Guzman na tila namomonopolisa ng mga may pera ang maagang pagpapakilala sa mga botante, kumpara sa mga may kakayahang nanggaling sa batayang masa.
"Kailangan ng level playing field. Bigyan ng tsansa ang kwalipikadong lider ng masa na lumaban sa halalan. Alisin ang bentaheng pinansyal ng mga elitistang kandidato," wika pa ni Ka Leody, na kilalang dating isang manggagawa sa pabrika.
"Unahin ang interes ng taumbayan hindi ang personal na ambisyon ng mga tiwaling pulitiko at mga pulitikal na dinastiya. Isulong ang electoral reforms gaya ng pagpapalakas sa party system, pagbabawal sa turncoatism, at pangunguna ng gobyerno sa pagpapakilala sa kandidato at kanilang bitbit na plataporma."
Tumatakbo ngayon si De Guzman bilang running mate ng vice presidential aspirant na si dating Akbayan Rep. Walden Bello, pati na rin sa banner ng "Manggagawa Naman" na layong i-highlight ang mga kandidatong manggagawa para matugunan ang kanilang pang-araw-araw na problema gaya ng kontraktwalisasyon.
Noong nakaraang buwan lang nang ianunsyo ng polling body na ngayong Disyembre ilalabas ang mga opisyal na listahan ng mga kakandidato sa 2022. Dahil dito, malaki pa ang tiyansa ng mga naghain ng COC na hindi mapasama sa listahan ng mga pwedeng iboto pagdating ng Mayo sa darating na taon.