MANILA, Philippines — Matagumpay na naipatupad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang kapayapaan at seguridad sa Region 4B MIMAROPA.
Ito ang dahilan ng pagbisita ngayong Huwebes ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Calapan City para personal na masaksihan ang progreso ng mga proyekto sa ilalim ng Barangay Development Fund (BDP).
Sa kanyang pangalawang pagbisita sa MIMAROPA, mismong si Duterte, bilang chairman ng NTF-ELCAC, ang maghahatid ng katibayan ng proyekto para sa mga benepisyaryo, partikular na sa mga dating rebelde.
Ilang barangay mula sa Region 4B ang napabilang na sa listahan ng BDP matapos na makalaya mula sa pamamahala ng CPP-NPA-NDF at ibang rebeldeng grupo.
Ayon kay NTF-ELCAC Vice Chairman at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., isang guerilla front ng rebeldeng NPA na lamang ang natitirang naghahari sa nasabing rehiyon.
Sa ilalim ng BDP ng pamahalaang Duterte, ang bawat barangay na wala ng rebelde ay makakatanggap ng P20 milyong halaga ng mga proyekto gaya ng farm-to-market roads, school buildings, water sanitation, health centers, livelihood at tulong pinansiyal para sa mga mahihirap.