MANILA, Philippines — Nagbunga ang walang pagod na pagsisikap ni vice presidential candidate at Senador Kiko Pangilinan upang mapababa ang presyo ng pagkain sa merkado nang ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang implementing rules and regulations (IRR) para sa direktang pagbili sa mga magsasaka at mangingisda.
Masayang ibinalita ni Pangilinan na isinumite na ng Government Procurement Policy Board (GPPB) ang kopya ng IRR na magbibigay daan sa mga ahensiya ng pamahalaan na direktang bumili sa mga magsasaka at mangingisda, gaya nang itinatakda ng Sagip Saka Law ng Senador.
Inilabas ng GPPB ang mga panuntunan kasunod ng walang patid na pangangalampag ni Pangilinan sa ahensiya.
Sa tulong nito, maaari nang gamitin ng DOH, DSWD, DILG at DepEd ang kanilang kabuuang P41 bilyong pondo para sa madali at direktang pagbili ng produkto ng mga magsasaka at mangingisda.
“Malaking pera itong diretsong mapupunta sa bulsa ng ating mga magsasaka at mangingisda. Malaking bagay ito, lalo na sa panahon ng pandemya, pagbaha ng imports, at sari-saring bagyo na kinakaharap ng mga nagpapakain sa atin,” wika ni Pangilinan.