MANILA, Philippines — Hindi na bago ang libreng serbisyong medikal para sa mga sosyalistang bansa at "welfare states" — pero paano naman 'yan gagawin sa Pilipinas?
Ilan lang 'yan sa mga planong itulak ng ilang progresibong kandidato sa pagkasenador ng Makabayan Coalition kung papalaring manalo sa 2022, bagay na hindi naman daw imposible sabi nina Bayan Muna chair Neri Colmenares at Kilusang Mayo Uno (KMU) chair Elmer "Ka Bong" Labog sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Related Stories
"Simple ang free health care bill. Ang free health care bill na inilalaban po natin, libreng gamot [at] libreng pagpapagamot," wika ni Colmenares sa media, Huwebes.
"Kaya ba nating gawin 'yan? Maraming bansa ang may [advances] na rito. Sa Thailand for example, malaking bagay 'yan... Hindi naman mayamang-mayamang bansa ang Cuba pero nagagawa nila yon."
Bahagi lang ito ng "seven-point platform" na kanilang ibinahagi sa isang press briefing sa UP Diliman kanina, bagay na maaaaring mabasa rito.
Hindi gaya ng "universal health care" sa ibang bansa, hindi libre ang serbisyong medikal sa Pilipinas sa ilalim ng universal health care law na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019. Sa ilalim ng naturang batas, minamandato lang nito ang "automatic enrollment" ng lahat ng Pinoy sa National Healthcare Insurance Corporation (PhilHealth), kung saan covered lang ang basic accomodations, check up, lab tests at basic maintenance sa public hospitals.
Free health care, paano popondohan sa 'Pinas?
Kwestyon ng pondo: Wika nina Colmenares at Labog, maraming pwedeng pagkunan ng resources para tustusan ang nasabing polisiya. Ilan lang daw dito ang:
- South China Sea, na merong "160 trillion cubic feet" ng natural gas at hindi bababa sa "12 bilyong bariles ng langis." Ayon kay Colmenares, napakalaking bahagi raw ng ikalawa ang matatagpuan sa execlusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na West Philippine Sea.
- Malampanya gas field
- Kalayaan Group of Islands: nakakapagproduce diumano ng 92,000 metric tons ng isda taun-taon ang naturang lugar, na pwedeng pagkunan ng revenue. Ani Colmenares, kaya nitong pakainin ang nasa 2.3 milyong Pilipino.
"Ang Kalayaan Island Group, ang fisheries diyan, P30.5 billion a year. Lahat ng pondo, kapag napunta sa atin 'yon, 'yan ang libreng edukasyon, 'yan ang libreng hospitalisasyon, 'yan ang libreng health care kung ipaglaban lang ng gobyerno natin," dagdag ng beteranong human rights lawyer.
Kung ia-average ang halaga ng mga isdang nahuli sa West Philippine Sea simula 2008 hanggang 2016 batay sa datos ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO), kulang-kulang P30 bilyon nga taun-taon ang halaga ang napro-produce ng nasabing lugar pagdating pa lamang sa isda.
Paliwanag pa ni Colmenares, hindi bababa sa P200 milyon ang "unspent funds" ni Duterte noong 2020. Wika naman ni Labog, napatunayan ding kayang magbuhos ng gobyerno ng malaking pondo para sa mga kontrobersyal na kontrata sa pribadong sektor gaya ng sa Pharmally Pharmaceutical Corpiration na maaaring sumalo sana sa libreng health care.
Anong ang ico-cover nito?: Sa ilalim nito, sinabi ni Colmenares na dapat nitong saklawin ang:
- libreng hospitalization
- libreng konsultasyon
- libreng operasyon basta't "medically necessary" gaya ng appendecitis, kidney transplant
"Sa panahon ng pandemya [ng COVID-19], kapag ikaw ay mahirap, pipila ka sa napakamahabang pila sa mga public hospitals at health institutions," tugon ni Labog.
"Hindi ka makapunta sa mga private hospitals kung wala kang pang-advance, kung wala kang advanced deposit... Bumabagsak na lamang at namamatay ang kanilang mga mahal sa buhay."
Taong 2020 pa lamang, ilang COVID-19 patients na ang napag-alamang nakapag-incur ng hospital bills na aabot ng P1 milyon kada tao.
Suntok sa buwan lang?
Bagama't "suntok sa buwan" daw iturong nang marami ang pagpapatupad ng libreng serbisyong medikal sa Pilipinas, ipinaliwanag ng Makabayan senatoriables na karamihan naman daw sa mga panukala nilang batas noon pa may ay suntok sa buwan nang ituring — ngunit ang ilan dito'y naisabatas naman daw nila kalaunan sa Kamara at napatunayang kayang gawin.
Ilan na nga lang daw dito ang pagpapasa ng free tuition sa tertiary education, dagdag na P2,000 sa SSS pension at na pumasa sa House at Senate, atbp. na matagal nilang inilaban. Naipasa nga raw daw ang pagbabasura ng kontraktwalisasyon sa mataas at mababang kapulungan sa kanilang pangunguna ngunit sadyang hindi lang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, kailangan daw talagang makapagluklok ng mga progresibong senador sa 2022 lalo na't maraming magagandang panukalang batas ang nailulusot sa Kamara (kahit iilan lang ang Makabayan bloc) ngunit sadyang wala lang daw itong counterpart bills sa Senado.
"Hindi mo masusuntok ang buwan kung hindi ka susuntok, at karamihan diyan, ang aming suntok sa buwan, dahil suportado ng sambayanang Pilipino, nasusuntok namin 'yung buwan," dagdag pa ni Colmenares, na pang-ilang beses nang tatakbo sa pagkasenador ngayong 2022.