Alert Level 1 sa NCR, ‘di pa napapanahon
MANILA, Philippines — Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government na hindi pa napapanahon na ibaba pa ang COVID-19 Alert Level sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, sa ngayon ay sapat na munang nasa Alert Level 2 ang Metro Manila kahit pa patuloy ang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID.
Aniya, maaaring maibaba ang alerto sa sandaling gumanda na rin ang lagay nang pagbabakuna sa labas ng NCR, partikular na sa mga rehiyon na nakapalibot dito.
“Hindi pa po ako ganun ka-confident na we can go Alert Level 1, I think current restriction is okay 50% for indoor establishment and 70% for outdoor,” ani Malaya sa isang panayam.
Sinabi pa ng DILG official na target ng pamahalaan na makapagbakuna na ng 1 hanggang 1.5 milyong mamamayan kada araw pagsapit ng Nobyembre 30.
Binalaan na rin aniya ng DILG ang mga local government units (LGUs) na gumawa ng mga pamamaraan upang maabot ang naturang target upang hindi sila maisyuhan ng show cause order at masampahan ng kaso.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na maaaring mapababa pa sa Alert Level 1 ang NCR kung patuloy na bubuti ang COVID situation sa lugar.
- Latest