Sara Duterte 'tatakbo talaga sa pagkapangulo,' sabi ng kanyang kaalyado

Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio takes a photo with her father President Duterte during the Hugpong ng Pagbabago thanksgiving night in Makati City in a June 24, 2019.
File

MANILA, Philippines — Tutungo na raw talaga sa pagtakbo sa pagkapangulo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, pagbabahagi ng isa niyang kaalyado sa pulitika.

Martes kasi nang umatras si Duterte-Carpio sa kanyang re-election bid sa 2022 sa Davao, dahilan para lumakas ang ugong-ugong na tatakbo siya sa pagkapresidente sa pamamagitan ng substitution bago ang deadline nito sa ika-15 ng Nobyembre.

"She’s running for president. All this political gyration just shows that she’s moving towards the presidency," sambit ni Rep. Joey Salceda (Albay) sa panayam ng ANC, Miyerkules.

Paniwala ni Salceda, miyembro ng PDP-Laban at kapartido ni Pangulong Rodrigo Duterte (ama ni Inday Sara), na "malaki ang posibilidad" na sumali ang presidente sa Lakas-CMD na pinamumunuan ni House Majority Leader Martin Romualdez.

Una nang sinabi ni Lakas-CMD secretary general at Rep. Prospero Pichay Jr. (Surigao del Sur) na nag-field sila ng "placeholder" candidate na pwedeng palitan ni Sara oras na mapagdesisyunan niyang tumambo sa pagkapangulo.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, tanging mga kapartido lamang ng original na kandidato ang pwedeng mag-substitute. Si Duterte-Carpio ay hindi pa miyembro ng Lakas-CMD at pinamumunuan naman ang regional party na Hugpong ng Pagbabago.

"She wanted to be president since May... There were just stumbling blocks towards it," dagdag pa ni Salcedo sa interview. Ang mga naturang "complications" ay nangyayari sa loob ng PDP-Laban.

Una nang itinulak ng Cusi faction ng PDP-Laban na patakbuhin si Digong sa pagkabise presidente, ngunit ayaw ni Inday Sara tumakbo sa ilalim ng Duterte-Duterte tandem. Kalaunan, umatras si Digong sa kanyang VP bid. Nahati rin sa dalawang paksyon ang naturang ruling party.

As of press time, hindi pa naman kinukumpirma ni Sara ang planong pagtakbo sa pagkapresidente.

Sara bilang VP ni Bongbong?

Inisantabi naman ng Albay lawmaker ang mga tsismis na tatakbo si Sara sa pagkabise presidente sa ilalim ni dating Sen. Bongbong Marcos, na kumakandidato sa pagkapresidente sa 2022.

Si Marcos, na anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, ay kaalyado ni Digong.

Matatandaang sinabi ni Bongbong na nakausap niya noon si Sara Duterte tungkol sa pulitika ngunit wala raw silang natalakay na "specifics" pagdating sa eleksyon.

Sina Marcos at Inday Sara ay parehong nasa mga pinakamalakas na posisyon sa Pulse Asia election surveys pagdating sa presidential post next year.  — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio

Show comments