^

Bansa

'No bakuna, no Christmas bonus'? Walang mali diyan, giit ng Malacañang

James Relativo - Philstar.com
'No bakuna, no Christmas bonus'? Walang mali diyan, giit ng Malacañang
Nasa file photo na ito ang bandang Aegis
The STAR, file

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng Palasyo ang planong pagkakait ng "Christmas bonus" sa ilang empleyadong hindi makakapagpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Gusto kasing ipitin ni acting Cebu City Mayor Michael Rama ang P20,000 Christmas bonus ng kanilang mga empleyado sa city hall hangga't hindi pa rin sila fully vaccinated laban sa nakamamatay na COVID-19.

"Wala po akong nakikitang pagkakamali diyan, kasi Christmas bonus po ang pinag-uusapan," paliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque sa media, Martes.

"Hindi naman po requirement ng batas na magbigay ng Christmas bonus. Ang requirement po para sa mga taong gobyerno ay 13th and 14th month pay."

Ilang taon nang ikinaklaro ng Department of Labor and Employment (DOLE) na malaya ang mga kumpanyang magdesisyon pagdating sa pagbibigay o hindi pagbibigay ng "Christmas bonus."

Gayunpaman, obligado ang lahat ng kapitalistang magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga rank and file na manggagawa "anuman ang nature" ng kanilang employment. Sa ilalim ng Presidential Decree 851 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, sinasabing dapat itong ibigay bago sumapit ang ika-24 ng Disyembre taun-taon.

Ayon sa DOLE, ibinabatay din sa collective bargaining agreement (CBA) atbp. kasunduan sa pagitan ng mga manggagawa't employer ang isyu ng pagbibigay ng mga bonuses.

"Dahil discretionary po ang Christmas bonus, pupwedeng gamitin po 'yan kabahagi ng incentive para makapagbakuna ang mas marami sa atin," dagdag pa ni Roque, na isang abogado.

Problema sa Cebu

Inilabas ang naturang mga kautusan matapos mapag-alamang nasa 13,000 indibidwal sa Metro Cebu ang naka-miss ng kanilang ikalawang dose ng COVID-19 vaccine batay sa target schedule sa unang linggo pa lang ng Nobyembre, ayon sa Visayas Vaccination Operation Center.

Sa 51,641 doses na inaasahang maiturok doon mula ika-1 hanggang ika-7 ng Nobyembre, tanging 38,007 ang nagamit — dahilan para mapag-alamang 26% ang hindi sumipot sa second dose ng bakunahan.

"But, as I've said this [yesterday], no release of bonus until we can see all have been fully vaccinated. Mao nang katong mga fully vaccinated, ang among buhaton, mo-encourage gyud mi," ani Rama kahapon.

"Wala man na miingon dili madawat ang bonus. Dili ma-release ang bonus. Lahi na, ha… Dapat ang tanan empleyado sa City Hall is magpabakuna. Of course, that is setting a good example, being a government employee."

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na susuportahan nila ang mungkahing sapilitang COVID-19 vaccination sa ilang sektor sa Pilipinas, pero dapat daw muna ay magkabatas para rito.

Ganyan din naman ang palagay ni Roque nang matanong pagdating sa "no vaccine, no 4Ps subsidy" para sa mga mahihirap.

'Walang kondisyon: Bonus ilabas, pinaghirapan iyan'

Kinastigo naman ng militanteng grupo ng mga manggagawa ang pahayag na ito ng Palasyo lalo na't nanggaling pa ito sa bibig ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"We would like to reiterate, if only for Roque’s comprehension, that vaccine information and vaccine supply should be addressed by the government. Do not pass the burden of your failed pandemic response to the people who worked to revive the ailing economy," banat ni Kilusang Mayo Uno secretary-general Jerome Adonis kanina.

"Christmas bonus should be given without any condition. Pinaghirapan ‘yan ng manggagawa. Vaccine should not be used as pre-condition for any matter, especially basic rights including ayuda, employment, or bonus."

Bagama't laging idinadahilan ng gobyerno ang isyu ng vaccine hesitancy pagdating sa pagpapatupad ng mandatory COVID-19 vaccinations, lumalabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na tumaas na patungong 64% ang gustong magpabakuna ngayon laban sa COVID-19. Mas mataas 'yan sa 55% noong Hunyo.

Kahapon lang din nang sabihin ni Sen. Risa Hontiveros na makikitang nagpapabakuna naman ang mga Pilipino basta't naipapaliwanag ito sa kanila nang maayos. Aniya, hindi na raw ito dapat sapilitan pa.

13TH MONTH PAY

CEBU

CHRISTMAS BONUS

COVID-19 VACCINES

DEPARTMENT OF LABOR AND EMPLOYMENT

HARRY ROQUE

KILUSANG MAYO UNO

NOVEL CORONAVIRUS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with