DOH sa Maynila: 'Wag muna ibasura ang mandatory face shield policy
MANILA, Philippines (Updated 3:42 p.m.) — Habang hindi pa nakapaglalabas ng pinal na desisyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), inutusan ng Department of Health (DOH) ang mga local government units na huwag munang ipatupad ang pagluluwag sa paggamit ng face shield laban sa COVID-19.
Ngayong Lunes kasi nang lagdaan ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang Executive Order 42 na nagsasabing non-mandatory na ang face shields sa buong Maynila — maliban sa mga ospital, klinika at medical facilities.
"Nananawagan po tayo sa ating mga local governments, antayin po natin 'yung IATF na makapagbigay ng agreement or decision regarding the face shield," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kanina.
"Until we can have the IATF resolution, we urge all local governments to just hold their executive orders [and] issuances so that we can all be uniform in our implementation and we are all aligned."
Hindi naman sinagot ng DOH kung maaari bang mapanagot si Domagoso dahil sa pagtatanggal ng face shield requirement na hinihingi pa rin sa lahat ng "crowded," "closed" at "close contact" (3Cs) areas. Ang EO 42 kasi ni Domagoso ay effective immediately.
Paliwanag ni Vergeire, balak na raw i-update ng mga eksperto, kasama ng DOH, ang kasalukuyang mga ebidensya pagdating sa paggamit ng face shield bilang bahagi ng COVID-19 pandemic response.
Pagtitiyak nila, iprepresenta nila at ng DOH sa Huwebes ang updated recommendations pagdating sa paggamit ng nasabing personal protective equipment.
Ayaw pa naman magsalita ni Domagoso uli pagdating sa utos ng DOH na iatras muna ang kanilang executive order.
OFFICIAL MPIO NEWS RELEASE: Isko lifts use of face shields as requirement except in medical facilities. pic.twitter.com/8bPdLhEp5T
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) November 8, 2021
Parusa? DILG na bahala riyan
Ayon naman kay presidential spokesperson Harry Roque, bagama't nakikita niyang hindi inoobliga ang face shield sa ibang bansa ay dapat sumusunod ang lahat ng mayors sa IATF policies dahil sa nasa ilalim sila ng supervision at chain of command ng presidente.
"Well, hahayaan ko na po 'yan sa [Department of the Interior and Local Government kung mapaparusahan si Mayor Isko]," wika ni Roque sa isang press briefing kanina.
"That's one way of looking at it [na required pa rin technically sa Manila ang face shields]. Another way of looking at it is null and void po siya [utos] in violation of an existing executive policy decreed by the president himself in the exercise of police powers."
Bagama't ganito, hindi naman ibig sabihin na hindi tatanggalin malaon ang nasabing requirement. Gayunpaman, kailangang sumunod muna raw sa ngayon kaysa mauna sa IATF.
Ngayong araw lang din nang sabihin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos na irerekomenda ng 17 Metro Manila mayors sa IATF ang tuluyang pagtatanggal ng face shield requirements maliban sa mga erya gaya ng ospital, barangay health centers at public transport na siya nilang tinatawag na "critical places."
Kasalukuyan pa lang pinag-uusapan at nire-review ng IATF ang kanilang polisiya sa kontrobersyal na face shield policy, sa gitna ng mga kwestyon sa bisa nito laban sa COVID-19 at pagbabago ng mga bagong kaso. Iisa rin ang Pilipinas sa kakaonting nagre-require nito sa buong mundo sa gitna ng pandemya.
Sa huling ulat ng DOH, umabot na sa 2.8 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa buong bansa nitong Linggo. Patay na ang 44,430 katao mula sa nasabing virus.
- Latest