‘No bakuna, no ayuda’ sa 4Ps beneficiaries

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, nais nilang ipatupad ang polisiya dahil maraming benepisyaryo ng 4Ps ang tumatanggi pa ring magpabakuna laban sa COVID-19.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Department of Interior and Local Government (DILG) kung paano ipatutupad ang  “no vaccine, no subsidy” policy para sa mga hindi pa bakunadong benepisyaryo ng conditional cash transfer o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, nais nilang ipatupad ang polisiya dahil maraming benepisyaryo ng 4Ps ang tumatanggi pa ring magpabakuna laban sa COVID-19.

“Ang 4Ps naman, kaya nga ‘yan tinatawag na conditional cash transfer kasi para makuha mo ang regular mong subsidiya sa pamahalaan ng may mga kondisyon ‘di ba,” paliwanag pa ni Malaya, sa panayam sa radyo.

“Pumupunta ka sa health center, nagpapa-deworm ka, ‘yung mga anak mo pinapasok mo sa eskwelahan, naka-enroll. So daragdagan pa natin ng isa pang kondisyon which is pagbabakuna,” aniya pa.

Aniya pa, naisumite na nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panukala na huwag bigyan ng cash grants ang mga unvaccinated 4Ps beneficiaries.

Pinag-aaralan din aniya ng pamahalaan ang mga isyung legal na maaaring makaapek­to sa implementasyon ng panukala dahil ang conditional cash transfer ay institutionalized na.

“‘Yan ang pinag-aaralan natin because we are in a public health emergency. Sabi ng mga taga-DWSD, health component [of 4Ps] is flexible… Pinag-aaralan na po ito ng mga abogado,” aniya pa.

Show comments