MANILA, Philippines — Positibo si dating House Speaker at senatorial aspirant Alan Peter Cayetano na malaki ang tsansa ni Pangulong Rodrigo Duterte na magwagi kung kakandidato itong senador sa 2022 national elections .
Sinabi ni Cayetano, kinatawan ng Taguig-Pateros, legal at moral kung kakandidatong senador si Pangulong Rodrigo Duterte na isinusulong ng mga kaalyado nito sa PDP-Laban Cusi faction.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag sa gitna na rin ng mga patutsada at ’di pagsang-ayon ng mga kritiko na sumabak sa senatorial race ang Pangulo.
May hanggang Nobyembre 15 pa para magpalit mag-withdraw ang mga kandidato.
Ayon kay Cayetano, lahat ng ginawa ni Pangulong Duterte ay nakabuti sa bayan lalo na ang kampanya kontra droga.
Kung kakandidatong senador si Duterte ay wala anyang masama dahil si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay kumandidato rin at nagwagi bilang Kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga.
Kung naging Speaker ng Kamara si Arroyo ay posible rin umanong maging Senate President si Duterte.