Palasyo: Kahit Alert Level 2, bibirit sa videoke bars mag-face mask... kung keri lang

Litrato ng mikropono sa gitna ng mga kumakanta gamit ang karaoke

MANILA, Philippines — Kahit na pinahihintulutan na uli ang pagbubukas ng ilang negosyo gaya ng videoke bars sa ilalim ng mas maluwag na Alert Level 2 sa Metro Manila, pinapayuhan ng Malacañang ang kanilang mga parokyano nitong magmaskara kung kakanta.

Dahil Alert Level 2 na sa National Capital Region (NCR) simula ngayong araw, papayagan na uli ang ilang entertainment sectors gaya ng videokehan basta't 50% capacity. Kinakailangan ding fully-vaccinated ang mga customers at empleyado nito.

"Pero sa akin po, mag-iingat pa rin ako. Kung pupwede namang kumanta nang naka-face mask. Kasi bagama't nais nating mabuhay muli ang mga industriya gaya ng karaoke, ayaw naman nating maging super spreader events 'yan," sambit ni presidential spokesperson Harry Roque, Biyernes.

"So kung pupwede po, kumanta kayo nang may face masks, pero hindi naman po requirement siguro 'yan kung merong espasyo between doon sa kakanta at doon sa mga ibang kasama."

Pagtitiyak ni Roque, na isang COVID-19 survivor, na ganito rin ang opinyon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

COVID-19 vs pagkanta?

Disyembre 2020 lang nang ipanukala ni Interior Secretary Eduardo Año sa mga local government units na magpatupad ng "ban" sa mga videoke sa dahilang mas napabibilis daw nito ang hawaan ng COVID-19.

Suportado ito noon ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III lalo na't mas maraming nae-emit na "respiratory droplets" tuwing kumakanta kaysa kapag nagsasalita.

Isa ang respiratory droplets sa mga nakikitang primaryang pinagmumulan ng COVID-19 transmission. 

Ngayong Setyembre 2021 lang nang sabihin ng Cebu City Police na muli silang magpapatupad ng "mahigpit" na karaoke ban sa lungsod para mapigilang ma-distract ang mga estudyanteng sumasailalim sa online classes.

Sa huling ulat ng gobyerno kanina, umabot na sa 2,797,986 ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na ang 44,085 sa kanila. — James Relativo

Show comments