MANILA, Philippines — Kung makapagpapasa ng batas, susuportahan ng Department of Health ang mandatory COVID-19 vaccination ng ilang sektor na bulnerable sa nakamamatay na virus.
Huwebes kasi nang sabihin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa panayam ng ANC na pabor siya sa pag-oobliga ng bakuna sa populasyon, na siyang ginagawa naman daw ngayon sa Estados Unidos at Isarael.
Related Stories
"Not to impose on certain sectors, but to impose on specific sectors which are vulnerable at tska nagbe-base talaga sila ng mga tao kapag nagtatrabaho sila... Of course we will heed to the statement of the Department of Justice, si Secretary [Menardo] Guevarra, na kailangan ng batas," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Biyernes.
"But definitely, if we are going to have this mandated na [bakuna] for specific sectors only, DOH will also support this because we need this so that we can achieve 'yung protection for the population so that everybody gets protected from this disease."
Aniya, marami na raw kasing ginawa ang gobyerno para maparami ang bilang ng mga Pilipinong nagpapabakuna. Ilan na raw rito ang:
- paghihikayat
- information drive
- pagbibigay ng incentives (pagpapa-raffle, food packs from LGUs, etc.)
- pagbahay-bahay para hindi na pumunta sa vaccination sites
- pagpayag na pumunta ang mga fully-vaccinated sa mga closed, crowded at close-contact settings
Sa kabila nito, meron pa rin daw mga nag-aalinlangan na magpaturok ng gamot na siyang magbibigay ng proteksyon laban sa nakamamatay na sakit.
Gayunpaman, boluntaryo pa rin talaga ang pagpapabakuna sa ngayon lalo na't emergency use authorization pa lang ang meron pagdating sa mga nasabing gamot. Sa kabila nito, idiniin ng DOH na merong kapangyarihan ang national government na gawin itong sapilitan kung magkakaroon ng batas at mga konsultasyon upang maging inclusive ang proteksyon.
Last resort ng gobyerno
"[L]ast resort naman ito ng government dahil gusto na ho natin talagang ma-achieve 'yung proteksyon ng populasyon," sabi pa ni Vergeire.
"Government has that authority dahil nakikita natin, hindi natin maa-achieve 'yung protection for the population if part of population will not recieve the vaccines dahil alam natin na kailangan natin ng immunity para sa lahat, hindi lang per individual o per family."
Nitong Oktubre lang nang sabihin ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at Makati Business Club na pabor sila sa suwestyon ng mandatory vaccination para sa mga empleyado.
Gayunpaman, sinasabi ng Bayan Muna party-list kahapon na idaan na lang ito sa puspusang pagpapaliwanag kaysa mauwi sa pamimilit.
Mandatory kahit vaccine willingness tumataas?
Bagama't idinadahilan ng DOH ang vaccine hesitancy sa kanilang pagsuporta sa mandatory vaccination sa ilang sektor, lumalabas sa mga panibagong datos na dumarami na talaga ang mga game na game magpaturok.
Ngayong Biyernes lang nang sabihin ng Social Weather Stations (SWS) na umabot na sa 64% ng mga Pilipino ang payag magpabakuna laban sa COVID-19 — mas mataas sa 55% noong Hunyo.
"It is twice as high as the 32% in May 2021, when SWS first surveyed about it," sabi ng SWS kanina.
Tumaas raw ito sa mga populasyong nanggaling sa iba't ibang education accomplishments. Pinakamataas ito sa mga college graduates na nagtala ng 84%.
Sa COVID-19 vaccine dashboard ng DOH ngayong araw, lumalabas na aabot na sa 28.71 milyon ang nakakukuha ng kumpletong bakuna.
Gayunpaman, kumatawan pa lang ito sa mahigit-kumulang 26% ng populasyon ng Pilipinas.